top of page
Search
BULGAR

Makakalaban sana ni Donaire, WBC Champ Oubaali, nagka-COVID

ni Gerard Peter - @Sports | November 15, 2020




Ang inakala ng karamihan na visa issue lamang ang naging dahilan ng pag-atras ni WBC bantamweight champion Nordine Oubaali ng France laban kay four-division World titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire; lumabas na nagpositibo pala ito sa mapamuksang novel coronavirus disease (Covid-19) na naging dahilan upang itigil ang pagsasanay at paghahanda.


Inihayag ni Bob Yalen, CEO at President ng MTK Global, na walang kinalaman ang usapin ng visa sa pagpapaliban ng laban ng dalawang boksingero para sa titulo, bagkus ay nahawa ang 34-anyos na French boxer kung kaya’t dalawang linggo itong hindi nakapagsanay para sa ikatlong title defense sa Dis. 12 sa Mohegan Sun Casino, Uncasville, Connecticut sa U.S.


Oubaali is positive for Covid-19. That is why he is out of the fight. It has nothing to do with his visa,” pahayag ni Yalen sa panayam ni Dan Rafael ng boxingscene.com. “This is strictly for the health and safety of the boxer. He has the virus and he has not been able to train effectively for the past two weeks. Nordine was really excited about the fight. He was all fired up for the fight.”

Dahil sa pag-atras ng dating 2007 Chicago World Championships light-flyweight bronze medalist, itatapat na lang ang 37-anyos na Talibon, Bohol-native kay dating IBF bantamweight world title holder Emmanuel Rodriguez (19-1, 12KOs) ng Puerto Rico sa Disyembre 19 sa parehong lugar sa Connecticut. Wala pang tinutukoy ang WBC kung may paglalabanang titulo ang dalawang boksingero sa kanilang nakatakdang laban.


Ayon kay Yalen, patuloy pa ring panghahawakan ni Oubaali ang titulo na magbibigay daan kina Donaire (40-6, 26KOs) at Rodriguez na paglabanan ang interim title. Sakaling malakas at malusog na ang Frenchman boxer ay maaaring kalabanin nito ang magwawagi sa Donaire-Rodriguez bout.


Inamin ni Yalen na nakaranas nang sintomas si Oubaali nang magsimulang manghina ito at mahirapang makabalik sa pagsasanay. Ibinunyag rin nito na kagagaling lang sa Covid-19 ang kapatid ni Nordine na si Ali. “His trainer and brother, Ali, noticed that Nordine felt weak one day and said, ‘Hey, let’s tone down training for the day. But when it happened the next day and then three days in row they knew something was wrong. He got tested and it was positive for COVID,” wika ni Yalen.


Sa parte nina Donaire at Rodriguez, parehong naging biktima ang dalawa ni undefeated at unified WBA (super)/IBF/The Ring bantamweight champion Naoya “Monster” Inoue ng Japan sa World Boxing Super Series finals at semifinal round at kapawa naagaw ang WBA at IBF titles ng mga ito, ayon sa pagkakasunod.


Napagwagian naman ni Oubaali (17-0, 12 KOs) ang bakanteng WBC title via unanimous decision laban kay American Rau’shee Warren noong January 2019 sa sagupaan nina Manny “Pacman” Pacquiao-Adrien Broner undercard sa MGM Grand sa Las Vegas. Matagumpay na naidepensa niya ito kina Filipino Arthur Villanueva via 6th round referee stop at Takuma Inoue mula sa UD.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page