top of page
Search
BULGAR

Makabagbag-damdaming statement ni ex-P-Duterte sa itinuring na mga kaibigan

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 21, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

STATEMENT NI EX-P-DUTERTE, MAKABAGBAG-DAMDAMIN PATUNGKOL SA MGA ITINURING NIYANG MGA KAIBIGAN -- Mga dating kaalyado at kaibigan ng pamilya Duterte ang mga miyembro ng Quad Committee ng Kamara na sa ngayon ay umaatake sa mag-amang ex-P-Duterte (sa isyu ng EJK o extrajudicial killings) at Vice Pres. Sara Duterte (sa isyu ng confidential fund).


Dahil diyan ay nagbigay ng makabagbag-damdaming statement si ex-P-Duterte patungkol sa mga itinuring niyang mga kaibigan, na ayon sa kanya ay ang tunay na takbo ng buhay, may mga marupok na pagkakaibigan at pagkakaibigang walang matibay na pundasyon, tsk!


XXX


AYON KAY VP SARA, ‘MANGGAGAMIT’ SI PBBM AT KAPAG NAPAKINABANGAN NA ANG GINAMIT, ITSAPWERA NA -- Sa presscon ni VP Sara ay sinabi niyang ginamit lang siya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanilang “UniTeam” para matiyak ang panalo sa pagka-presidente laban kay dating VP Leni Robredo.


Ang nais ipunto ni VP Sara sa sinabi niyang ito ay ‘manggagamit’ si PBBM, na kapag napakinabangan na ang ginamit ay iitsapwera na tulad nang ginawa sa kanya ngayon ng Marcos admin, period!


XXX


MGA ANTI-DYNASTY GROUP, DAPAT SA SC MAGSAMPA NG DISQUALIFICATION SA MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ AT HINDI SA COMELEC -- May iba’t ibang cause-oriented groups ang nagsampa sa Comelec ng disqualification case laban sa mga political dynasty o “Kamag-anak Inc.” na sabayang kakandidato sa darating na May 2025 midterm election.


Sana sa Supreme Court (SC) nagsampa ng kaso ang mga cause oriented groups na ito at baka sakaling maaksyunan at hindi sa Comelec, kasi sa totoo lang ang Comelec ang sanhi kaya sandamakmak ang political dynasty ngayon dahil lahat ng mga magkakapamilyang pulitiko na sabayang kumakandidato sa kada eleksyon, sa halip na i-reject ang kandidatura ng mga ito ay inaaprub, boom!


XXX


NASA KONSTITUSYON NA BAWAL ANG POLITICAL DYNASTY KAYA’T DAPAT MISMONG SC NA MAGPAIRAL NITO -- Sa 1987 Constitution, sa Artikulo II, Seksyon 26 ay may nakasaad dito na ganito... “Dapat siguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lungkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal, ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.”


Malinaw sa Konstitusyon na ipinagbabawal ang political dynasty sa ‘Pinas, ang problema ay ayaw lang gumawa ng batas ang mga senador at kongresista para ipairal ito, kasi nga karamihan sa mga sen. at cong. ay may mga “Kamag-anak Inc.” sa gobyerno.


Ang nais nating ipunto rito, dapat sa SC magsampa ang mga petitioner ng disqualification case laban sa political dynasty, at baka sakali na dahil ayaw sundin ng mga sen. at cong. ang nakasaad sa Konstitusyon ay mismong ang Korte Suprema na ang magdesisyong sundin ang nasa Saligang Batas na bawal na ang “Kamag-anak Inc.” sa pulitika sa ‘Pinas, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page