ni Anthony E. Servinio @Sports | July 28, 2023
Matapos walisin ang kanilang mga laro noong nakaraang linggo, maghaharap ang maiinit na Taguig Generals at CamSur Express sa pagpapatuloy ngayong Biyernes ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Colegio de San Sebastian sa San Fernando, Pampanga simula ng 5 p.m.
Susundan ito agad ng tapatan ng host KBA Luid Kapampangan at bisitang Muntinlupa sa 7:00 ng gabi.
Matagumpay na naipagtanggol ng Express ang kanilang tahanan sa Fuerte Sports Complex laban sa mga bisitang DF Bulacan Stars, 88-85, at Santa Rosa Lions, 100-85.
Nagpasikat ang mga Best Player Joshua Irvin Ayo at Verman Magpantay sa tulong nina Fredson Hermonio, Arnaldo Magalong at Jayson Orada at sila ang mga aasahan muli sa paghanap ng kanilang ika-apat na sunod na panalo.
Perpekto at numero uno ang Generals na dinaig ang Lions, 102-84, at Stars, 93-86, upang umakyat sa 5-0. Sasandal muli ang Taguig kay Dan Anthony Natividad, Mike Jefferson Sampurna, Mark Edison Ordonez, Jonathan Lontoc at Edzel Galoy.
Mainit at malamig ang kampanya ng Luid na galing sa masakit na 90-93 overtime talo sa Generals noong Hulyo 14 sa Cong. Jun Duenas Gym. Taglay ang pantay na kartadang 2-2, mahalaga na gumana ang laro nina Lhancer Khan, Christian Garcia, Miko Santos, Karl Bench de Jesus at Marc Manalang upang makalapit sa Express (3-1) sa taas ng Grupo A.
Hinahanap pa rin ng Muntinlupa ang unang panalo matapos mapatid sa unang dalawang laro kontra Tatak GEL Binan, 66-74, at CamSur, 100-101. Galing sa halos tatlong linggong pahinga, mahalaga na ipatuloy nina John Mark Ondevilla, Tristan Kyle Villablance, Crispin Barnedo at Lloyd Cabeguin ang kanilang mahusay na ipinapakita.
Samantala, patuloy ang mga laro sa 2023 NBL Youth Second Conference sa nakatakdang walong laro sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan sa Sabado simula 7:30 ng umaga.
Comments