top of page
Search
BULGAR

Maililipat ba sa nanay ko ang pensyon ng namatay kong tatay?

@Buti na lang may SSS | June 27, 2022


Dear SSS,


Nais kong itanong ang SSS death benefit claim ng tatay ko. Namatay siya noong January 19, 2021. Makukuha ba ng Nanay ko ang pensyon ni Tatay? May una siyang pinakasalan, gayundin si Nanay. Maililipat ba ang pensiyon ni Tatay sa kanya? – Maribeth


Sagot


Mabuting araw, Maribeth!


Ang pagkakasunud-sunod o order of preference ng mga benepisyaryo ng miyembro ng SSS ay ang mga sumusunod: Una, primary beneficiaries o pangunahing benepisyo na tumutukoy sa legal na asawa at menor-de-edad na anak, kasama ang legal na ampon at incapacitated; ikalawa, secondary beneficiaries na binubuo ng mga magulang ng namayapang miyembro kung siya ay single o walang asawa; ikatlo, designated beneficiaries o ang at itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisyo sa SS Form E-1/E4; at ikaapat, ang legal heirs o mga legal na tagapagmana ng namatay na miyembro na naaayon sa Civil Code of the Philippines.


Sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benepisaryo ng SSS, tulad ng ating nabanggit.


Kung ang namatay na miyembro ay pensyonado, ililipat ang pensyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100% na tinatanggap ng namayapang miyembro. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata, ngunit walang kaukulang substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na siya ng 21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya’y namatay.


Sa kaso ng iyong namayapang ama, hindi maituturing na benepisyaryo ang iyong nanay dahil hindi siya ang legal na asawa ng iyong tatay. Idagdag pa rito, may ibang asawa rin ang iyong nanay. Kaya hindi siya kuwalipikadong tumanggap ng pensiyon mula sa SSS.


Kung wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakalalagpas ng limang taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro.


Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay mamatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran sa pamamagitan ng lump sum benefit.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page