News @Balitang Probinsiya | August 15, 2024
Negros Occidental — Isang plantasyon ng marijuana na kilala din sa tawag na “damo” ang sinalakay ng mga otoridad kamakalawa sa Bayawan City sa lalawigang ito.
Ang sinalakay na plantasyon ng marijuana ay nasa bulubunduking lugar ng Brgy. Manduao sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, may nag-tip sa mga otoridad na may plantasyon ng marijuana sa nasabing lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito natagpuan ang mga panananim na “damo” na nagkakahalaga ng mahigit P1.6 milyon.
Nabatid na nakatakas ang mga namamahala sa naturang plantasyon.
Sinunog na ng mga otoridad ang mga pananim na marijuana sa nasabing lugar.
DRUG TRAFFICKER, TIMBOG
ILOILO -- Isang drug trafficker ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Poblacion 4, Tigbauan sa lalawigang ito.
Kinilala ang suspek na si Jerric Gegato, hustong gulang, residente sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang drug trafficker.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng siyam na pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
RAPIST-KILLER, NASAKOTE
ISABELA -- Isang rapist-killer ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Buenavista, Santiago City sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan siya ng mga otoridad.
Nabatid na may mga saksi ang nagbigay impormasyon sa pulisya na ang suspek na nasa hustong gulang ang gumahasa at pumatay sa biktimang 12-anyos na batang babae.
Ayon sa ulat, inutusan ng kanyang tiyahin ang biktima na bumili ng sabon, pero hindi na ito nakabalik at nang hanapin ay natagpuan ang bangkay nito sa gilid ng ilog habang may palatandaan na ito ay ginahasa ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong rape with homicide.
4 TULAK, ARESTADO SA DRUG DEN
BATAAN -- Apat na drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Munting-Batangas, Balanga City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Julius Magbanua, Mary Jane Delumen, Jey Valera at Agnes Abad, pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 15 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Comments