ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Dok | July 17, 2021
Sa pangalawang bahagi ng sagot sa iyong mga katanungan ay tatalakayin naman natin ang health benefits ng Vitamin K2 sa kalusugan ng ating puso.
Ang Vitamin K, tulad ng Vitamin D ay isa ring uri ng fat soluble vitamin na maaari nating makuha sa pagkain at sa mga dietary supplements. May dalawang uri ng Vitamin K, ito ay ang Vitamin K1 at Vitamin K2. Ang Vitamin K1 o phylloquinone ay makukuha mula sa gulay tulad ng spinach, broccoli, at lettuce. Ang mga vegetable oil na soybean oil at canola oil, at ilang prutas ay mayroon ding Vitamin K1. Ito ay mahalaga sa clotting (pamumuo) ng ating dugo at pagpapatibay ng ating buto. Ang gamot na warfarin ay ginagamit ng mga doktor upang labanan ang epekto ng Vitamin K1 at maiwasan ang pamumuo ng dugo.
Ang Vitamin K2 o tinatawag natin na menaquinone ay makukuha mula sa baka, baboy, manok, atay at mga lamang loob, itlog (egg yolk), at fermented foods katulad ng natto o soybean. Ito ay ginagawa rin ng ating katawan sa pamamagitan ng ating mga gut bacteria. Maaari ring gawing Vitamin K2 ng gut bacteria ang Vitamin K1 mula sa pagkain. Makikita ang high concentrations ng Vitamin K2 sa ating brain at kidneys.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Integrative Medicine: A Clinician’s Journal noong 2015 ang Vitamin K2 ay tumutulong sa atin na makaiwas sa pagkasira ng ating mga ugat o blood vessels. Nakatutulong din ang Vitamin K2 na pigilan ang pag-deposit ng calcium sa loob ng ating mga ugat, ganundin ang pagbara nito. Ito ay dahil ang Vitamin K2 ay ginagawang aktibo ang MGP protein sa ating katawan na pumipigil sa pagdeposit ng calcium sa ating mga ugat. Dahil dito ay makaiiwas sa Peripeheral Artery Disease, sakit kung saan nagbabara ang mga ugat o blood vessel sa iba’t ibang parte ng katawan tulad ng mga kamay, paa, kidney at stomach. Maaari itong maging sanhi ng Coronary Artery Disease na maaring maging dahilan ng atake sa puso. Ito ay maaari rin magdulot ng stroke o pagbabara ng ugat sa ating utak at erectile dysfunction sa kalalakihan.
Dahil rin sa pagpigil ng Vitamin K2 sa pagdeposit ng calcium sa ating mga ugat ay pinapanatili nitong malambot ang ating mga ugat. Ang pagtigas ng ating mga ugat dahil sa pagdeposito ng calcium at cholesterol sa loob ng ating ugat and isang dahilan kung bakit tayo nagkakaroon ng hypertension. Kaya’t ang pagkain ng pagkain na mayaman sa Vitamin K2 katulad ng karne ng baka, baboy, manok, atay at mga lamang loob, itlog (egg yolk), at fermented foods katulad ng natto o soybean o pag inom ng Vitamin K2 supplements ay makakapagpataas ng Vitamin K2 level ng ating katawan at matutulungan na makaiwas sa pagtaas ng blood pressure.
Bilang pagpapaalala upang mapanatili na mababa ang blood pressure at maiwasan ang hypertension, bukod sa Vitamin D3 at Vitamin K2 kinakailangan ng ating katawan ang mga minerals na potassium, magnesium at calcium.
Ang Potassium mineral ay kinakailangang upang normal ang pagtibok ng ating puso at mapababa ang blood pressure. Ang potassium ang makukuha natin sa kamote, prunes, apricots at lima beans. Ang pag inom ng mga gamot para sa high blood pressure katulad ng diuretic o pampaihi at hydrochlorothiazide ay maaring makapagpababa ng inyong potassium level kaya’t kinakailangan na kumain ng mga pagkain na mayaman sa potassium o uminom ng potassium supplements.
Ang mineral na Magnesium ay isa pang nakakatulong na magpababa ng blood pressure. Ito ay nagpaparelax ng blood vessels. Makukuha natin ang Magnesium sa mga gulay. Sa iyong edad na 55 years old ay kinakailangan mo ng 420 milligrams ng Magnesium sa araw araw at sa babae na iyong kasing edad ay kakailanganin nya ng 320 milligrams.
Ang panghuli na mineral na kailangan natin upang mapanatili ang mababang blood pressure ay ang Calcium. Kailangan mo ng 1,000 to 1,200 milligrams per day. Mas makakabuti sa iyong kalusugan na makuha ang Calcium sa pagkain ng gulay, dairy products at isda katulad ng salmon at sardinas.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments