top of page
Search
BULGAR

Maid na hinatulan ng qualified theft, absuwelto

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 26, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Ilang beses nang binaggit ng Korte Suprema na kapag ang ebidensya ay nagkaroon ng maraming interpretasyon – ang interpretasyon na sumusuporta sa konstitusyonal na pagpapalagay ng kawalang-kasalanan ng isang akusado diumano ang dapat mangibabaw.


Sa kuwentong hango sa kasong nahawakan ng aming tanggapan, ating silipin kung paano muling nagamit ang nasabing pamantayan sa pagkakaroon ng desisyon na siyang naging basehan sa pagpapawalang-sala ng kliyente na itago na lamang natin sa pangalan na Marichu.


Bilang pagbabahagi, sa kasong People vs. Mayor, pinal na natuldukan ang kaso ni Marichu noong ika-31 ng Enero 2024 nang magkaroon ng entry of judgement, kung saan siya ay pinawalang-sala sa kadahilanan na hindi napatunayan ng prosekyusyon ang obligasyon nito na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang higit sa makat’wirang pagdududa.


 Gayundin, pinal na natuldukan ang mga daing ni Marichu nang mapalaya siya.


Sa kasong ito, pormal na sinampahan si Marichu, noong ika-31 ng Disyembre 2021 ng kuwalipikadong pagnanakaw o qualified sa pamamagitan ng pagnanakaw ng P25,000.00 sa mag-asawang pinapasukan niya na itatago na lamang natin sa pangalan na G. at Gng. Mendoza.


Ayon sa bersyon ng prosekyusyon, kasambahay na diumano ng mag-asawang Mendoza si Marichu mula pa noong taong 2007.


 Si Marichu ay nakatira malapit kung saan nakatira ang mag-asawang Mendoza bilang kanilang kasambahay, Lunes hanggang Sabado sa oras na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon naman ang pasok niya.


Ayon sa salaysay ng mag-asawang Mendoza, noong ika-1 ng Mayo 2021, bandang alas-5 ng hapon, kinailangan dalhin sa ospital si Gng. Mendoza. Dahil dito, naiwan ng mag-asawa ang mga susi sa bahay at kuwarto kay Marichu para pakainin ang kanilang alagang aso.


 Ang susi na ipinagkatiwala kay Marichu ay ang para sa main door at service door lamang. Gayunman, dahil sa pagmamadali naiwan nilang nakabukas ang kanilang kuwarto, kung saan nakatago ang kanilang mga pera.


Makalipas ang isang linggo, nadiskubre ng mag-asawang Mendoza ang kanilang nawawalang pera. Nang muling bumalik sa trabaho si Marichu, tinanong siya ng mag-asawa kung pumunta o pumasok ba siya sa kuwarto na agad namang itinanggi ni Marichu.


Gayunman, walang direktang CCTV sa ibabang palapag ng kanilang tahanan kung saan matatagpuan ang kanilang kuwarto, pero namataan naman sa CCTV sa terrace ang pagbaba ni Marichu.


Ang paliwanag ni Marichu ay gumamit lamang siya ng palikuran sa ibaba. Sa kabilang banda, ayon sa mag-asawang Mendoza, mayroong mas malapit at mas madaling mapuntahan na palikuran sa kanilang terrace kung saan nandu’n ang mga asong pinapakain ni Marichu at walang dahilan upang bumaba siya. Dahil dito, ayon sa prosekyusyon, sapagkat si Marichu lamang ang tao na pumasok sa kanilang tahanan bilang kasambahay at wala ng iba pang maaaring maging salarin sa pagkawala ng kanilang mga pera – malinaw na siya ang salarin sa pagnanakaw.


Sa kabilang banda, itinanggi ni Marichu ang mga akusasyon laban sa kanya.


 Ayon kay Marichu, umuwi siya agad matapos niyang pakainin ang mga aso noong ika- 1 ng Mayo 2021.


Noong ika-30 ng Agosto 2022, ibinaba ng mababang hukuman o ng Regional Trial Court ang kanilang naging paghuhusga kung saan ay hinatulan ang akusadong si Marichu sa kasong isinampa laban sa kanya na Qualified Theft. Dahil dito, umapela si Marichu sa Court of Appeals.


Tulad ng ating unang nabanggit, binaligtad ng Court of Appeals ang naging hatol na konbiksyon kay Marichu ng Regional Trial Court at tuluyang pinawalang-sala sa desisyon na naging pinal noong ika-31 ng Enero 2024.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi napunan ng prosekusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Marichu nang higit sa makat’wirang pagdududa.


Ayon sa hukuman para sa mga apela – kapag ang ebidensya diumano ay maaaring magkaroon ng maraming interpretasyon – ang interpretasyon na susuporta sa konstitusyonal na pagpapalagay ng kawalang-kasalanan ng isang akusado diumano ang dapat mangibabaw.


Sa kasong ito, walang direktang ebidensya na nagtuturo na si Marichu ang kumuha sa mga pera na siya rin namang hindi napatunayan. Sa paghatol kay Marichu, nakadepende lamang ang mababang hukuman sa CCTV kung saan bumaba si Marichu kung saan maaaring matagpuan ang kuwarto ng mag-asawa na aniya ay ang lugar din kung saan nakatago ang kanilang mga pera.


Sa puntong nabanggit, hindi maalis na ang akto ni Marichu kung saan siya ay bumaba ng palapag sa tahanan kung saan siya nagsisilbi bilang kasambahay ay maaaring maipaliwanag ng maraming bagay na taliwas sa konklusyon ng pagnanakaw.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi maitatanggi ang posibilidad na maaaring ginamit lamang ni Marichu ang palikuran sa ibaba; maaari rin na naglinis lamang siya ng kuwarto, o/at ang konklusyon na kinuha o ninakaw nga nito ang mga salapi ng mag-asawa.


Gayunman, sapagkat maaaring maipagpalagay o maipaliwanag ang nasabing ebidensya ng prosekusyon ng maraming pamamaraan, ang interpretasyon na mas pabor sa isang akusado ang dapat manaig alinsunod sa konstitusyonal na pagpapalagay na walang sala.


Samakatuwid, dahil sa mga namuong duda sa pagkakasala ni Marichu, siya ay pinawalang-sala ng hukuman para sa mga apela.


 Muli, pinagtibay ng kaso na ito ang pamantayan sa mga kasong kriminal na ang pagkakasala ng akusado ay dapat mapatunayan nang higit sa makat'wirang pagdududa.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page