top of page
Search
BULGAR

Mahusay na paggabay sa edukasyon ng kabataan, sagot ng mga magulang

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 26, 2021



Isa sa mga isinusulong ng inyong lingkod ngayon ay ang programang magpapaigting sa kakayahan at kaalaman ng mga magulang at “parent substitutes” na magbigay ng angkop na kalinga sa kabataan pagdating sa kanilang edukasyon.


Inihain natin ang Senate Bill No. 1985 o ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act para matulungan ang mga magulang na lalong paghusayin ang pagganap sa kanilang mga responsibilidad, lalo na sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya.


Sa panahong ito, maraming mag-aaral ang humaharap sa mga suliraning may kinalaman sa distance learning, isyung psychosocial at mas mataas na panganib na makaranas ng karahasan at pang-aabuso.


May mga datos na nagpapakita ng ilang hamong pinagdaanan ng kabataan at kanilang mga magulang nitong nagdaang mga taon. Halos 130 kabataan ang nagkaroon ng human immunodeficiency virus (HIV) mula Enero hanggang Marso 2020. Noong 2019 ay may 500 na mga babaeng teenager ang nanganak. Noong 2017 ay 9.1 porsiyento naman sa halos 40 milyong mga Pilipino na may edad na anim hanggang 24 ang kabilang sa mga out-of-school children and youth.


Sa ilalim ng naturang panukalang-batas, itataguyod ang Parent Effectiveness Service Program o PES Act sa bawat lungsod at munisipalidad. Sakop ng naturang programa ang mga magulang, “surrogate parents” at tagapangalaga ng mga batang may edad 18 pababa. Ngunit bukod sa mandatong paggabay sa mga magulang, layon din ng naturang programa na pangalagaan ang karapatan ng kabataan, isulong ang “early childhood development” at siyempre ay maisulong ang dekalidad na edukasyon ng kabataan.


Bahagi ng mga modules ng programang PES ang child development, mga hamon ng pagiging isang magulang, proteksiyon ng mga bata laban sa pang-aabuso, pagtuturo ng magandang pag-uugali, kalusugan at nutrisyon ng mga bata at pagkakaroon ng mabuting kapaligiran para sa kabataan.


Lumalabas na may kinalaman ang tamang pangangalaga at suporta sa mga bata sa kanilang academic performance. Ito ang lumabas sa pagsusuri ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA). Matatandaang mababa ang markang nakuha ng ating mga estudyante sa naturang global assessment sa larangan ng Reading Comprehension, Math at Science.


Ang mga magulang ang una nating guro at mahalaga ang kanilang papel sa iba’t ibang yugto ng edukasyon ng mga kabataan. Ngayong panahon ng pandemya, malaking hamon ang kanilang kinahaharap, kaya mahalagang mayroong programa na magpapaigting sa kanilang kakayahan na gabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page