top of page
Search
BULGAR

Mahuhuling nagpa-booster shot, turuan ng leksiyon!

ni Ryan Sison - @Boses | August 18, 2021



Aprub kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang panawagan sa mga alkalde na bumuo ng mga polisiya na magpaparusa sa mga taong nagpapa-booster shot ng COVID-19 vaccines.


Ito ay dahil hindi pa aniya ito inirerekomenda at kulang pa ang suplay ng bakuna sa bansa. Dahil dito, inatasan niya ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga ulat hinggil sa umano’y pagpapaturok ng ikatlong shot ng COVID-19 vaccine ng dalawang indibidwal sa Quezon City.


Matatandaang noong nakaraang linggo, dalawang fully vaccinated individual ang sinampahan ng kaso ng QC government dahil sa COVID-19 vaccination fraud.


Ang mga ganitong ilegal na aksiyon aniya ang nagiging sanhi upang mapagkaitan ng bakuna ang iba pang mamamayan na hindi pa nakatatanggap ng bakuna.


Sa totoo lang, nakadidismaya na may mga ganitong insidente sa kabila ng kakulangan ng suplay ng bakuna sa bansa. Kumbaga, masyadong makasarili ang mga gumagawa nito dahil habang naka-tengga ang iba sa kahihintay na magkaroon ng iskedyul at suplay ng bakuna, ang ilan nating kababayan ay sobra-sobra na pala ang nakukuhang bakuna.


Bukod sa pagpaparusa sa mga nagpapa-booster shot, kinakailangan ding magkaroon ang nasyunal na pamahalaan ng master list ng mga nabakunahan sa bansa.


Sa ganitong paraan, mas madaling mabeberipika kung nakatanggap na ng COVID-19 vaccine o hindi pa ang isang nais magpabakuna. Isa pa, matitiyak na maituturok sa nangangailangan ang bakunang ito.


Bagama’t nauunawaan nating lahat tayo ay gustong maprotektahan ang ating sarili laban sa virus, ‘wag naman tayong gahaman. Marami tayong kababayan na naghihintay na maturukan kaya plis lang, ‘wag kalimutan ang sinasabi nating “We heal as one”.


Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw upang matutukan din ang ganitong isyu at masiguradong natuturuan ng leksiyon ang mga gumagawa nito.


Tandaan na ang pandemyang ito ay laban nating lahat, kaya utang na loob, hayaan nating makatanggap ng bakuna ang iba pa ating mga kababayan at iwasang maging makasarili.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page