top of page
Search
BULGAR

Mahihirap, ‘wag pahirapan sa tulong medikal

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 1, 2023

Dahil napakaimportante sa atin ang kalusugan ng bawat Pilipino, masaya ako na pinalaki ng Philippine Health Insurance Corp. ang coverage para sa hemodialysis, na mula sa 90 sessions ay magiging 156 sessions na ngayong taon. Ang magandang balitang ito ay nagkabisa na simula noong June 22, 2023. Nauna na nating inirekomenda ito sa PhilHealth at ngayon ay naisakatuparan.


Dahil dito, ang mga miyembro ng PhilHealth at ang kanilang qualified dependents na mada-diagnose na may chronic kidney disease stage 5 (CKD5) at nangangailangan ng hemodialysis batay sa pagsusuri ng kanilang doktor ay maaaring mag-avail ng naturang benefit package. Ang pasyente ay irerehistro rin sa PhilHealth Dialysis Database bago makapag-avail ng benepisyo.


Ipinaliwanag ng PhilHealth na ang kabuuang 156 sessions ay alinsunod sa kasalukuyang standards para sa hemodialysis na tatlong sessions kada linggo sa loob ng 52 linggo, o isang taon. Dahil sa mas pinalawak na benepisyo, ang CKD5 patients na sumasailalim sa hemodialysis ay maaari nang mag-avail ng hanggang P405,600 kada taon, o P2,600 kada session na benepisyo.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, labis ang ating pasasalamat sa PhilHealth.


Dahil dito, magagamot ang CKD5 patients nang mas maayos at epektibong mama-manage ang kanilang kondisyon. Mababawasan din ang kanilang iisipin kung saan kukuha ng gagastusin para sa dialysis na nakapabigat na pasanin hindi lang sa pasyente kundi maging sa kanyang pamilya. Napakalaking tulong nito para sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga mahihirap na may sakit.


Importante rin na ang ating mga kababayan ay nabibigyan ng tamang impormasyon kung ano ang healthcare benefits na maaari nilang ma-avail mula sa gobyerno.


Napakahalaga rin na kapag may nararamdaman kayo sa katawan ay agad nang magpatingin sa doktor dahil sabi nga, mas madaling gamutin ang isang sakit kung maaagapan. Pangalagaan natin ang buhay na ibinigay sa atin ng Panginoon.


Patuloy naman nating inihahatid kahit sa malalayong komunidad ang serbisyo medikal ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsiguro ng patuloy na operasyon ng Malasakit Centers na ating naisabatas noong 2019 bilang pangunahing may-akda at sponsor nito, ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa na ating ipinaglaban na mapondohan, at ang pagkakaroon ng Regional Specialty Centers sa regional hospitals na ating inisponsor at isa sa may-akda sa Senado na ngayo’y hinihintay na lang ang pirma ng Pangulo para maging ganap na batas.


Isinulong din natin ang special provisions sa 2023 General Appropriations Act, kasama ang mga kapwa ko mambabatas, upang madagdagan ng P21 bilyon bilang subsidiya sa PhilHealth para mas mapaganda ang kanilang mga benefit packages, kabilang ang dialysis, medical at mental health coverage. Umapela rin tayo sa PhilHealth na siguraduhin na hanggang sa huling sentimo ay nagagamit ang pondo ng taumbayan at walang masasayang. Isinumite ko rin sa Senado ang Senate Bill No. 190, na kung makakapasa at tuluyang magiging batas, ay magmamandato sa PhilHealth para mabigyan ng libreng dialysis ang lahat ng miyembro nito.


Patuloy rin tayo sa ating inisyatiba na laging makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan at mga komunidad sa buong bansa.


Kahapon, June 30, ay naging panauhin tayo sa 44th Commencement Exercise ng University of Southeastern Philippines sa Davao City. Nakatutuwang makita ang ating mga kabataan na nakatapos ng edukasyon at tumatahak na sa magandang bukas bilang katuwang sa pag-unlad ng ating bansa. Ang payo ko sa mga graduates, at bilang kinabukasan ng bayang ito, ay palaging magmalasakit at tumulong sa kapwa. Kapag minahal mo ang kapwa mo Pilipino, hinding-hindi ka magkakamali.


Noong June 28 ay sinaksihan natin ang pagdiriwang ng ika-64 na anibersaryo ng Araw ng Lanao del Norte. Tampok sa okasyon ang makukulay na kultura at tradisyon, at ang mapayapang ugnayan ng mga Kristiyano, Muslim at iba pang relihiyon sa lalawigan. Sa bayan ng Nunungan, tayo ay nagkaloob ng tulong sa 2,000 mahihirap na residente.


Pinasalamatan natin sina Congresswoman Sittie Aminah Dimaporo, Governor Imelda Dimaporo, former Cong. Abdullah Dimaporo, Nunungan Mayor Marcos Mamay, Vice Mayor Jun Kasawa, at iba pang lokal na opisyal sa kanilang mainit na pagtanggap.


Binisita rin natin ang itinayong Multi-Purpose Building/gymnasium na napondohan sa pamamagitan natin.


Dumiretso tayo sa bayan ng Tubod at binisita ang itinayong legislative building na napondohan din natin. Matapos ito ay nagkaloob tayo ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente katuwang sina Mayor Dionisio Cabahug, Jr. at Cong. Khalid Dimaporo.


Dumalaw rin tayo sa Lala para saksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center doon, at nagkaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente katuwang si Mayor Angel “Tata” Yap.


Hindi rin tumitigil ang aking tanggapan sa pag-alalay sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap nating tinulungan ang 14 na biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Cebu City; at 76 sa Taytay, Rizal.


Nasuportahan natin ang 1,100 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa Samal Island, Davao del Norte; 266 mahihirap na residente ng San Fernando City Pampanga; 1,000 sa San Nicolas, Batangas; 339 sa Talisay, Camarines Norte; at 1,000 sa Meycauayan City, Bulacan.


Binisita naman ng aking opisina ang Malasakit Center sa Kapatagan Provincial Hospital sa Lanao del Norte at nabigyan ng tulong ang 132 pasyente at 229 frontliners.


Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng Super Health Center sa Bgy. Manicahan, Zamboanga City.


Bilang inyong senador at lingkod bayan, gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya na makatulong at mapangalagaan ang inyong kalusugan. Magtulungan lang tayo at magmalasakit sa kapwa upang sama-samang umunlad ang buong sambayanang Pilipino!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Коментари


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page