top of page
Search
BULGAR

Mahihirap, ‘wag pagsamantalahan kapalit ng pirma

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Enero 31, 2024


Ipagkakaisa ang ipinakita namin ng mga kapwa ko senador noong Lunes, January 29, sa pamamagitan ng pagsusuot ng puting damit at arm band na sumisimbulo sa Senado. 


Ito ay naghahayag ng aming pagkakabuklod-buklod laban sa kasalukuyang isinusulong na People’s Initiative upang maamyendahan ang 1987 Philippine Constitution, na ginagawa sa mapanlinlang na paraan. 


Para sa akin, kailangang protektahan ang ating Konstitusyon, ang Senado bilang isang institusyon, ang interes ng ating mga kababayan, ang demokrasya sa ating bansa, at ang tunay na boses ng mga ordinaryong Pilipino! 


Mahalaga ang checks and balances sa gobyerno upang maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Sinasabi ko ito hindi lang bilang isang senador, kundi bilang isang Pilipino na hindi papayag na gamitin ang ating mga kababayan para sa pansariling interes ng iilan lamang. 


Sa isang Senate hearing ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na ginanap nitong Martes, marami ring testigong tumindig upang isiwalat ang panunuhol at panlilinlang na ginawa sa kanila kapalit ng pirma sa people’s initiative.


Kung totoo ito, klaro na hindi ito tunay na people’s initiative! 


Ang hindi rin katanggap-tanggap dito ay ginagamit pa raw ang mga programa ng gobyerno para tulungan ang mga mahihirap bilang kapalit para makakuha ng pirma sa pekeng people’s initiative na ito. Sa mga pasimuno nito, huwag ninyong

pagsamantalahan ang kahinaan ng mga Pilipino dahil sa kahirapan. Naghihirap na nga, pagsasamantalahan at gagamitin pa ang pirma nila sa pulitika! 


Tulad ng programa ng DSWD, kaya nga Assistance to Individuals in Crisis Situations ang tawag, in crisis ang mga taong dapat makatanggap nito. Huwag ninyong gamitin ang ayuda bilang kapalit sa kanilang pirma dahil dapat walang kapalit ang tulong ng gobyerno sa nangangailangang mga Pilipino. 


Ang nangyayari rito ay hindi people’s initiative kundi politicians’ initiative dahil mga pulitiko ang mistulang nakikinabang at hindi ang taumbayan. Kaya sa ating mga kababayan, kung kayo ay pumirma sa isang bagay na hindi lubos na ipinaintindi sa inyo ang kahulugan, o ‘di kaya ay na-realize ninyo na hindi kayo sang-ayon sa inyong nilagdaan, mayroon kayong karapatan na bawiin ito habang may panahon pa. 


Napakaraming isyung kinakaharap ng ating bansa at doon dapat ibuhos ng buong puwersa ng gobyerno ang panahon at resources para masolusyunan ang mga iyon, lalung-lalo na ang paghahatid ng serbisyo sa mga mahihirap nating kababayan, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. 


Bilang chair ng Senate Committee on Health, madalas nating payo at panawagan sa taumbayan na ingatan ang ating kalusugan dahil ang katumbas nito ay ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya patuloy ang ating suporta sa Malasakit Center program, ang pagpapatayo ng Super Health Center sa iba’t ibang komunidad, at pagsusulong ng mga panukalang batas para mas mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kababayan, mapalakas ang ating healthcare system, maihatid ang de-kalidad na serbisyong medikal ng gobyerno, maprotektahan ang ating healthcare workers, at mapaunlad at mapalawak ang ating medical education system. 


Ang ating layunin ay palawakin ang mga serbisyong medikal upang mas marami pang Pilipino ang makinabang. Tayo rin ang principal sponsor at isa sa may akda ng Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Itinatakda nito ang pagtatayo ng Regional Specialty Centers sa mga existing DOH regional hospitals. Sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers, makatitipid sa gastos ang pasyente dahil hindi na kailangang bumiyahe pa sa Metro Manila para sa specialized treatment at mailalapit natin ang serbisyo medikal na kailangan nila sa kanilang mga lugar. 


Nakalulungkot rin na marami sa ating mga kababayan ang nagugutom at tumaas ang bilang ng mga nakakaranas na walang makain ng kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan base sa isang survey. Nakababahala ito dahil noon ko pa sinasabi na importante para sa akin na may laman ang tiyan ng bawat Pilipino para hindi makompromiso ang kanilang kalusugan, lalo na ang mga bata, matatanda, mga may karamdaman at mga mahihirap. 


Ang pagkakaroon ng sapat na pagkain at ang kalusugan ay magkaugnay na hamon na hindi natin maaaring pabayaan. Kaya tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan at iba’t ibang sektor. 


Naging panauhing tagapagsalita tayo at pinangunahan ang ginanap na induction ng mga bagong opisyal ng Structural Engineers Association of Davao noong January 27 sa Sotogrande Hotel sa Davao City. Pinahalagahan natin ang papel ng engineers sa nation-building. 


Nasa Iloilo naman tayo noong January 28 para sa pagdiriwang ng Dinagyang Festival.


Pinasalamatan natin sina Mayor Jerry Treñas, Vice Mayor Jeffrey Ganzon at ang buong pamahalaang lungsod ng Iloilo City dahil sa mapayapa at matagumpay na selebrasyon.


Nagpapasalamat rin tayo kina Congresswoman Jam Baronda, former Councilor Love Baronda, Leganes Mayor Junjun Jaen at iba pang opisyal sa kanilang mainit na pagtanggap. 


Hindi rin magiging kumpleto ang ating pagbisita kung hindi tayo nakapaghatid ng tulong sa ating mga kababayang Ilonggo. Namahagi tayo ng tulong para sa mga naapektuhan ng Bagyong Egay kabilang ang 53 residente mula Pavia, Zarraga at Iloilo City.


Nakatanggap din sila ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang isinulong natin noon at patuloy na sinusuportahan para may pambili ng pako, yero, semento at iba pang materyales ang mga benepisyaryo sa pagtatayong muli ng kanilang bahay. 


Nag-inspeksyon din tayo kasama sina Cong. Michael Gorriceta, Mayor Laurence Gorriceta, Vice Mayor Edsel Gerochi at iba pang opisyal sa itinayong Super Health Center sa Pavia at namahagi ng tulong sa mga BHWs at ilang residente sa Brgy. Balaba. 


Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa La Libertad, Negros Oriental para tulungan ang 99 residenteng nawalan ng hanapbuhay. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay nabigyan din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho. 


Natulungan din ang 48 residente ng San Joaquin at Tubungan, Iloilo na ang kabuhayan ay naapektuhan ng Bagyong Egay. Nakatanggap din ang mga ito ng hiwalay na tulong para pampaayos ng bahay mula sa NHA.


Sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng ating bansa ngayon, hindi puwedeng isantabi ang kalusugan ng mga Pilipino, at ang kanilang seguridad sa pagkain. Unahin natin ang pagseserbisyo at pagtulong sa abot ng ating makakaya sa mga nangangailangan bago ang pulitika at pansariling interes. Hinihikayat ko ang bawat sektor ng pamahalaan na magkaisa at magtulungan para sa kapakanan at kabutihan ng buong sambayanang Pilipino. 

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page