top of page
Search
BULGAR

Mahihirap na Mag-aaral, tiyaking prayoridad sa Educational Assistance

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 5, 2024

Ayon sa Annual Poverty Indicators Survey (APIS), 68 porsyento ng mga benepisyaryo ng Educational Service Contracting (ESC) program noong school year 2020-2021 ay galing sa mga non-poor household.


Ang ESC ay isang partnership program ng Department of Education (DepEd) na layong solusyunan ang congestion sa mga public junior high school. Dito, binabayaran ng gobyerno ang matrikula at ibang bayarin ng mga mag-aaral na napiling benepisyaryo mula sa mga pampublikong paaralan upang pumasok sa mga pribadong paaralang kinontrata ng DepEd. Noong school year 2019-2020, mas mataas din ang bilang ng mga benepisyaryong tinaguriang non-poor – 59 porsyento. Sinusukat ang isang pamilya na non-poor kung ang kabuuang kita nila ay lagpas o katumbas ng per capita threshold.


Sinasalamin ng mga numerong nabanggit ang naging ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2018. Sa isang Performance Audit Report, inirekomenda ng komisyon sa DepEd na tiyaking prayoridad ang mga mahihirap na mag-aaral sa implementasyon ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act (Republic Act No. 8545) o ang e-GASTPE Law. Ang ESC ay isang programa sa ilalim ng GASTPE.


Kaya naman “the height of injustice” ang tawag ko rito. Hindi makatarungan ang alokasyon ng slots sa ilalim ng programang ESC.


Base sa pag-aanalisa ng aking tanggapan, umaabot sa 8.6 bilyong piso ang leakage ng programa dahil ang inilaan nating pondo para rito ay hindi rin naman napupunta sa mas nangangailangang mga mag-aaral.


Intensyon ng batas na bigyang prayoridad ang mga mahihirap. Kaya nakakadismaya na malaman na sa ilalim ng ESC guidelines mula pa noong 2017 ay hindi nakamandatong bigyan ng prayoridad ang mga mahihirap na mag-aaral. Ang naturang guidelines ay nagbibigay lamang ng ‘preference’ sa mga tinaguriang poor students.


Bagama’t sinabi na ng Government Assistance and Subsidies Office (GASO), isang sangay ng DepEd, na inaayos na nila ngayong taon ang guidelines para sa ESC. Patuloy nating isusulong ang paglalaan ng malaking pondo para sa mga mas nangangailangan sa sektor ng edukasyon. Kaugnay nito, pinag-iisipan din ng inyong lingkod na amyendahan ang e-GASTPE law.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page