top of page
Search
BULGAR

Mahihirap na mag-aaral, ‘di dapat pahirapan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 1, 2023



Masaya kong ibinabalita na mayroon na tayong 155 Malasakit Center sa buong bansa, at ang pinakahuling inilunsad ay nasa Dr. George T. Hofer Medical Center sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong Pebrero 25. Isa itong panibagong milestone sa ating programa na ngayon ay limang taon na at nakapaghatid na ng tulong sa mahigit pitong milyong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).


Patuloy itong aalalay sa ating mga kababayan, lalo na sa pinakamahihirap at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.

Bago nagkaroon ng mga Malasakit Center, marami tayong mga kapwa Pilipino na hirap sa pambayad sa ospital na isang linggong pumipila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para lang makakuha ng tulong medikal. Dagdag na pabigat ito sa kanila, lalo pa at labis na ang kanilang pag-aalala sa kanilang kapamilyang nagpipilit labanan ang sakit para mabuhay.

Sinimulan natin ang Malasakit Centers program noong 2018. Isa itong one-stop shop kung saan nasa iisang bubong ang DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para matiyak na ang tulong medikal mula sa pamahalaan ay abot-kamay ng mas maraming Pilipinong nangangailangan. Nang mahalal ako bilang senador, sa tulong ng aking mga kapwa mambabatas, matagumpay nating na-institutionalize ang programa sa pamamagitan ng Republic Act 11463, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, na ako ang principal author at sponsor sa Senado.

Simula noon, nakapaglagay tayo ng Malasakit Center sa Luzon, Visayas, at Mindanao—at sa lahat ng rehiyon sa ating bansa. Umaasa tayo na patuloy pa itong madaragdagan para mas marami pang kababayan nating nangangailangan ng tulong medikal ang maalalayan.

Palagi kong sinasabi, pera naman ng taumbayan ito, ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo mula sa gobyerno. Sa ganitong paraan, inilalapit lang natin ang serbisyo ng gobyerno sa tao.

At kung ipinaglaban natin noon na huwag itaboy ang mga pasyente na di makabayad ng deposito sa ospital, ngayon naman ay ipinaglalaban natin ang mga estudyante na dapat makapag-aral at mabigyan ng palugit kung wala pa silang pambayad ng matrikula para makakuha ng exam. Nag co-sponsor tayo ng Senate Bill No. 1359, o ang panukalang batas na magbabawal sa “No Permit, No Exam” policy.

Sa ngayon ay maraming pamilyang Pilipino pa rin ang apektado ng pandemya at iba’t ibang krisis, kasama na r’yan ang mga natural na kalamidad, lalo na ang mga bagyo, lindol, baha, sunog atbp.


Habang sinisikap nilang makabangon, bigyan natin sila ng pagkakataon na mag-exam habang kumakayod ang kanilang pamilya ng pambayad sa matrikula. Ang sa atin dito, ayaw nating maantala ang kanilang pag-aaral.

Sa nakalipas na panahon, may estudyante na nag-suicide dahil hindi nakabayad ng tuition. Hindi na dapat maulit ito. Iniiwasan natin na ma-depress ang mga kabataan sa bigat ng pinapasan sa murang edad. Dapat nga, ineengganyo natin silang mag-aral. Ang edukasyon lang ang puhunan natin sa mundong ito, kaya sikapin nating makapagtapos ng pag-aaral ang mga bata. Sila ang kinabukasan ng bayang ito. Bigyan natin ng suporta at palugit para hindi mapunta ang pressure sa kanila.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, at miyembro rin ng Senate Basic Education Committee at ng Higher Education Committee, ang pangunahing layunin ko ay mapangalagaan ang pisikal at mental na kalusugan ng mga kabataan, at ang kanilang pagkakaroon ng maayos na edukasyon. Hindi dapat gawing pabigat sa kanila ang mga bayarin. Kailangan talaga natin ng batas na ito na dapat sundin ng mga eskuwelahan para mapagaan ang pinapasan ng ating mga mahihirap na estudyante.

Prayoridad dapat natin ang karapatan sa edukasyon dahil nasa ating Saligang Batas naman mismo ‘yan. At unahin natin ang kapakanan ng mahihirap. Ang mayayaman, kaya namang magbayad anumang oras. Pero ang mga mahihirap na isang kahig, isang tuka at nagtatrabaho ang mga magulang para mapaaral ang mga anak, para sa kanila itong SBN 1359.

Ayaw din naman natin na ang mga may-ari ng eskuwelahan ay hindi na makapagpatuloy ng kanilang operasyon dahil nanggagaling din ang kanilang pondo sa tuition fees. Nais lang nating mabigyan ng palugit at dagdag na panahon ang mga magulang na mag-issue ng promissory note at kung hanggang kailan dapat bayaran. May safeguards naman ang batas para masigurong hindi malulugi ang mga eskwelahan. Balansehin lang natin.

Sa ating pagsisikap na mapangalagaan ang kapakanan ng mga estudyante at maisulong ang kanilang karapatan sa edukasyon, naghain tayo at sinuportahan ang ilan pang mga panukalang-batas sa layuning mapaganda ang pagkakaroon ng edukasyon sa ating bansa, lalo na sa mahihirap.

Isa rito ang SBN 1190 na aking nai-file sa Senado, na naglalayong palawakin ang paggamit ng Special Education Fund para sa operasyon at maintenance ng mga pampublikong paaralan, pagbabayad ng suweldo at benepisyo para sa teaching and non-teaching personnel, pagkakaloob ng competency training para sa teaching personnel atbp.

Nag-co-sponsor din tayo ng SBN 1360, na naglalayon na mapalawak ang coverage ng tertiary education subsidy sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Sa panukalang ito, mas mabibigyan ng access sa dekalidad na edukasyon ang mahihirap na Pilipino.

Nag-co-sponsor din tayo sa SBN 1864, o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act of 2022”, na nag-aawtorisa na mabigyan ng palugit ang pagbabayad ng student loan sa loob ng “reasonable period” sa panahon ng kalamidad at iba pang emergencies.

Inihain din natin ang SBN 1786, na naglalayong atasan ang Higher Education Institutions na magkaroon ng mental health offices at mag-empleyo ng karagdagang HEI-based mental health service personnel sa kanilang campus na aalalay sa buong HEI community, lalo na sa mga estudyante.

Naging co-author din ako ng bill ni Senator Win Gatchalian na SBN 379 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Bill na naglalayong paigtingin pa ang mental health services, emotional, developmental and preventive programs, and other support services sa Basic Education.

Isa rin na co-author ako ay ang SBN 94, o Teaching Supplies Allowance bill, para madagdagan ang allowance ng teacher para sa mga kagamitang pang-turo. Ang mga guro ay dapat na binibigyan ng sapat na benepisyo at konsiderasyon dahil sa kanilang serbisyo sa pagtuturo ng ating mga kabataan. Sila ay nagbibigay ng kanilang oras, kaalaman at dedikasyon upang masiguro na ang mga bata ay may magandang kinabukasan.

Pangalagaan natin ang kalagayan at kapakanan ng mga kabataan lalo na pagdating sa edukasyon dahil sila ang pag-asa ng ating bayan. Magtulungan tayo para mabigyan ang susunod na henerasyon ng mas ligtas at komportableng buhay at makaahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page