top of page
Search
BULGAR

Mahihirap na jeepney operator, sagot ng LTFRB

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 16, 2023



Matapos ang ikaapat na pagkakataon na pagbawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang anunsyo na aalisin na ang mga tradisyunal na jeepney, may bago silang inanunsyo.


Ang muntik nang pagpapatigil sa operasyon ng mga tradisyunal jeep ay dahil papasok na ang modernized jeepney at maraming lumang jeep ang hindi makasabay sa plano ng LTFRB, kaya wala silang magawa kundi ang magmakaawa sa tuwing ipatutupad ang phase out.


Pero ngayon, tahasang ipinapangako ng LTFRB na aalalayan nila ang maliliit na operators ng tradisyunal na jeep para sa modernization program ng pamahalaan, na dapat ay noong 2017 pa ipinatupad.


Ayon sa Technical Division ng LTFRB, ang naturang assistance ay isasaayos sa pamamagitan ng cooperatives at corporations upang mas maging madali umano para sa mga naturang operators na mag-shift sa modern jeepneys na tinitingnan ngayon ng national government.


Bale ang Office of the Transport Cooperative (OTC) ng LTFRB ang mamamahala sa pagtulong para mabigyan ng assistance ang ating mga tsuper at operators.


Bukod pa r’yan, mayroon pang Project Management Office ang LTFRB, na ang tanging tututukan ay ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na ang layunin ay alalayan at tulungan ang mga stakeholders para sa requirements at proseso ng consolidation.


Ang layunin ng PUVMP ay gawing ligtas ang mga kalsada sa buong bansa at gawing climate friendly ang mga lugar upang sa kalaunan ay mabawasan ang gas emissions at paunlarin ang kalidad ng buhay sa urban areas.


Hanggang sa kasalukuyan kasi ay nasa 60 porsyento pa lang ng jeepney operators ang nag-shift para maging modern jeepney ang kanilang mga unit, kaya alam kong inip na inip na ang LTFRB para tuluyan nang maisaayos ang problemang ito.


Tila dininig na ng pamahalaan ang walang humpay na hinaing ng mga jeepney operators hinggil sa umano’y sobrang taas ng gastos para sa modernisasyon ng kani-kanilang pampasaherong sasakyan.


Sa ngayon, desidido ang LTFRB na mapaabot sa 95 porsyento ang maisasaayos na mga tradisyunal na jeep bago pa maging agresibo ang pamahalaan na kanselahin ang mga prangkisa ng lumang jeep na hindi susunod at tuluyan nang isasama sa phase out.


Sabagay, may impormasyon tayong nakuha na ang mga tradisyunal na jeep ay hindi naman basta-basta isasama sa phase out dahil ang physical features ng tradisyunal na jeepney ay papayagan pa rin, ngunit kailangang sumailalim sa transformation at papasa sa itinakdang standard.


Napakalawak kasi ng hakbanging ito ng PUVMP, kung saan hindi lang modernisasyon ang kanilang isinusulong kundi maging ang sistema ng transport sector, kabilang ang pag-upgrade ng mga units.


Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng petsa kung kailan ang final deadline ng franchise cancellation para sa traditional jeep, kaya dapat ay kumilos na ang mga tsuper at operators na may kinalaman dito dahil palugit lang ang ibinigay sa inyo.


Maganda ang hakbang na ito ng LTFRB at sana lang ay maipatupad nang maayos at lahat ay mabigyan ng pare-parehong pagkakataon para walang mapag-iwanang tsuper at maliliit na operator na mawawalan ng hanapbuhay.


Sana naman ay huwag nang magpatumpik-tumpik pa ang mga tsuper at operator sa bagong pagkakataon na ibinibigay ng LTFRB dahil kung hindi kayo kikilos, tiyak na mawawala kayo sa eksena.


Sa ayaw at sa gusto ng mga tsuper at operator, matatapos ang ibinigay na palugit sa kanila ng LTFRB at aalalayan pa sila sa gastos para sa modernisasyon ng kanilang mga jeep at inaasahan nating magiging maayos na ang lahat.


Nakakalungkot isipin na kung sakaling sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng magkabilang panig ay mauwi na naman sa wala ang palugit na ito. Ang ending, tiyak na may magpoprotesta na naman at sana ay huwag itong mangyari.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page