ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 29, 2025

Dumating na si US Defense Secretary Pete Hegseth upang makipagmiting kay Defense Secretary Gibo Teodoro.
Walang duda, “giyera” ang pag-uusapan.
----$$$--
MAUGONG ang ulat na magdadala pa uli ng isa pang Typhon missile system ang US sa teritoryo ng Pilipinas.
Tiyak na papalag ang China.
----$$$--
AKTUWAL na soberanya ng bansa ang agenda.
Soberanya ng ‘Pinas na sinasakop ng China o soberanya ng ‘Pinas na sinasawsawan ng US.
Mas mainam sana kung soberanya ng ‘Pinas na malaya sa panghihimasok ng China at US.
----$$$--
Sa praktikalidad, ang mahihinang bansa gaya ng Pilipinas ay mahihirapang ipreserba ang soberanya nang hindi madidiktahan o pakikialaman ng malalaking bansa.
Isang halimbawa dito ang Ukraine, puwede bang sabihin ng Ukraine sa US na lumayas kayo at huwag ninyo kaming pakialamanan.
Hindi puwede.
----$$$--
SA totoo lang, ang isyu ngayon ay ang rare mineral deposit ng Ukraine na hindi malayong maisanla sa US — kapalit ng suporta kontra Russia.
Sa aktuwal, ang bundok-bundok na natural resources ng Pilipinas ay matagal nang ‘nasamsam’ ng mga dayuhan.
----$$$--
MASELANG isyu ang soberanya at dahil ang nag-uusap ay dalawang defense chief ng bansa --walang duda, iyan ang agenda.
Kung makikinabang ang Pilipinas o ang US — o parehong mabibiyayaan ang dalawang bansa?
Iyan ang dapat masagot.
----$$$--
KAPAG soberanya ang agenda at detalye ng usapan ay karaniwang “state secret”.
Nakataya dito ang seguridad ng bansa.
Mag-aantay lang tayo kung ano ang ipahayag ng Malacañang at ng Pentagon sa agenda ng mga kumperensiya.
----$$$--
SIYEMPRE, umaasa tayo na mas makikinabang ang Pilipinas sa alinmang usapan sa mga dayuhan.
Iyan ang ipagdasal natin nang walang patid.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios