ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 17, 2025
Ang darating na Martes, ika-21 ng Enero, ay National Hugging Day sa Estados Unidos. Nasimulan ito noong 1986 ng pastor na si Kevin Zaborney sa Clio, Ohio, upang ipalaganap ang pagyakap bilang pantawid na pampasigla ng diwa matapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at bago pa mag-Araw ng mga Puso.
Bagama’t sa Amerika nagsimula, ang naturang espesyal na araw ay naitatag na rin sa ilan pang mga lupalop sa mundo, at nitong mga nakaraang taon ay unti-unti ring kinupkop at ipinamalas nang manaka-naka sa ilang bahagi ng kalakhang Maynila at ating bansa.
Siyempre, matagal nang nasa kamalayan nating mga Pilipino ang pagyakap. Kahit na ang mga naunang henerasyon ng mga magulang ay hindi kasinghilig sa pagyakap kung ihahambing sa kasalukuyang mga ina at ama, ay hindi lingid sa nakararami ang halaga’t kahulugan ng pagyakap.
Sa musika pa lang, naglipana ang mga awiting patungkol sa paksang ito. Sa mga kaedaran natin, maaalala pa ang mahinahon na “Yakap” ng mang-aawit noon na si Junior at ang may kapilyuhang “Yakap sa Dilim” ng Apo Hiking Society.
Sa unang mga taon ng bagong milenyo ay naging tanyag ang “Akap” ng Imago at ang sa The Itchyworms na “Gusto Ko Lamang sa Buhay” na ang karugtong na linya ay “yakapin mo ako” at ang music video ay tema ng pagbibigay ng libreng mga yakap para sa kahit hindi kakilala — hango sa konseptong “free hugs” na unang naipatupad noong 2004 sa Sydney ng Australyanong nagtago sa pangalang Juan Mann. Sa mga mas bata pang tagapakinig ay may makabagong mga awit na mismong “Yakap” ang pamagat, mula kay Zack Tabudio at sa bandang may kakaibang ngalan na figvres.
Higit pa riyan, malamang ay matagal at madalas nang bahagi ng ating araw-araw na pamumuhay ang yakap, maging isa man ang kaakap o kabilang tayo sa isang group hug. “Mahigpit na yakap” ang madalas na nasasambit na komento sa social media para sa kadugo o kakilalang namatayan, iniwanan ng sinisinta, nalulumbay, nawalan ng trabaho o ano pa mang pagkakait ng kapalaran. Sa kabilang banda, sariwa pa rin sa ating alaala ang pabirong paggamit ng salitang iyon, gaya ng nakagagamot kumbaga na “yakap-sule” at ang pagbibigay ng “kiss sabay hug”.
Kahit magkakaiba ang salitang katumbas ng yakap sa iba’t ibang panig ng planeta, ang mismong aksyon na ito ay kilala saan man tayo mapadpad at hindi kailangang isalin sa ibang wika upang maintindihan ang nais maiparamdam. Tiyakin nga lang na ayos lamang sa yayakapin at hindi siya ang tipong hindi mahilig na mayapos.
Ang maganda pa nito ay ang maraming pakinabang ng pagyakap sa ating pangangatawan, kalusugan at diwa. Ang pagyakap ay may benepisyo para sa sarili at sa niyayakap, gaya ng pagpapabawas ng stress at pangangamba, pampalakas ng resistensya laban sa sakit, pampasaya dala ng pagpakawala sa ating kalooban ng kemikal na oxytocin na nakapagpapababa ng alta presyon, pampapurol ng masamang pakiramdam na dulot ng karaniwang sakit at pampalusog ng ating puso.
Nakapagpapabata pa nga raw ayon din sa siyensiya.
Ang payo pa nga ay patagalin ng kahit 20 segundo ang pagyakap upang makamit nang husto ang kabutihang matatamo mula rito.
Sa madaling salita, ang pagmamalasakit o pagmamahal na ibinabahagi sa pamamagitan ng pagyakap ay pagpapatunay ng kahalagahan ng dalisay na pakikipag-ugnayan sa sangkatauhan at sa isa’t isa, na hahanap-hanapin ng ating katawan sa anumang araw.
Ngunit asintaduhin ding mag-ingat sa mga nais yumakap na madilim ang layunin, na habang sa iyo’y mahigpit na nakaankla ay unti-unting dinudukot ang iyong pinagpaguran, pinagsikapa’t pinagsakripisyuhang laman ng iyong pitaka na siyang nais pala talaga niyang mayakap.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments