ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 01, 2021
Nagsimula nang magsagawa ng mahigpit na border control sa NCR Plus ang Joint Task Force (JTF) simula kagabi kaugnay ng banta ng COVID-19 Delta variant. Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M.
Año si JTF COVID Shield Commander PLt. Gen. Israel Dickson na magsagawa ng quarantine control points sa borders ng NCR Plus sa Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.
Ayon sa DILG, ito ay upang masiguro na ang mga Authorized Persons Outside of Residence (APORs) lamang ang makakapagbiyahe papasok at palabas ng NCR Plus.
Ayon kay Año, kailangang magpakita ng mga sumusunod sa Philippine National Police (PNP) upang mapayagang makapasok at makalabas ng NCR Plus: “IATF IDs issued by regulatory agencies; and “Valid IDs or pertinent documentation issued by establishments allowed to operate under the current quarantine classification.”
Samantala, ang mga unauthorized persons outside of residence (UPOR) ay hindi papayagang makadaan at pauuwiin lamang ng awtoridad. Saad pa ni Año, “The implementation of strict border controls in the NCR+ areas is critical to stopping the spread of the Delta variant.”
Ipinaalala rin ni Año sa mga pulis ang free movement para sa mga cargo o delivery vehicles lalo na ang mga magdadala ng pagkain sa mga quarantine control points.
Samantala, ang Metro Manila ay isasailalim sa enhanced community quarantine classification simula sa Agosto 6 hanggang 20 dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.
Comments