ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 27, 2025
Hindi bago ang isyu ng pornograpiya sa ating lipunan. Sa katotohanan, simula nang sumibol ang internet, naging kasing dali na nga ng pagpindot sa keyboard at mouse ang paglaganap ng tila kanser na maituturing sa ating lipunan na ito.
Higit isang dekada na ang lumipas simula nang maglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng Guidelines para sa mga Internet Service Providers (ISPs) sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) 9775 na kilala rin bilang Anti-Child Pornography Act of 2009 – ang batas na naglalayong bigyang proteksyon ang mga kabataan laban sa mga pang-aabuso sa kanila, lalo sa panahon ngayon na sa isang click lamang ay puri at dangal na nila ang nakasalalay.
Batay sa guidelines, minandato na ang lahat ng ISPs ay lagyan ng available technology program o software na maaaring humarang o sumala sa lahat ng websites na nagtataglay ng child pornography materials. Ang ISPs ay dapat na makabitan ng nabanggit na features sa loob ng 120 araw mula sa pagkakasumite ng listahan ng kahit tatlong magandang klase ng teknolohiya sa Inter-Agency Council Against Child Pornography para sa pagsusuri.
Sa kabila nito, batay sa report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), sa taong 2021 nga lang ay nasa 2 milyong kabataang Pilipino ang naging biktima ng sexual abuse at exploitation. Ayon pa sa organisasyong International Justice Mission, noong 2022, tinatayang 1 sa 100 batang Pilipino ang nabiktima ng online sexual exploitation -- o halos kalahating-daang milyong kabataang Pinoy. Noong nakaraang taon naman ay napaulat ang Pilipinas bilang top global source ng child pornography. At nagtala rin ang Globe Telecom Inc. noong 2024 ng 61% na pagtaas ng mga blocked sites, at 51% na pagtaas ng mga child porn URLs sa unang bahagi pa lamang ng taon.
Sinasabing ang biglang pagdami ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation sa mga kabataan ay nagsimula noong panahon ng pandemya. Pandemic within a pandemic nga itong ituring lalo noong kasagsagan ng kaso ng COVID-19. Ayon din sa UNICEF, billion-dollar industry talaga ang child pornography at ang mga batang Pinoy talaga ang paboritong inilalako at pinagsasamantalahan online, na may mga insidente pa na mismong mga magulang ang nagtutulak na gumawa ng kalaswaan sa harap ng camera.
Parang apoy na naglalagablab, patuloy ang paglaganap ng kanser ng lipunang ito na tumutupok sa buhay at kinabukasan ng ating mga kabataan. Ultimo nga daw sanggol na ilang buwang gulang pa lamang ay pinagkakakitaan na ng mga masasamang loob.
Malaking bagay na maituturing sa labang ito kontra pornograpiya ang filter na nabanggit para kahit paano ay maibsan ang napakabilis na pagpasok sa mga websites na ito.
Meron din naman tayong cybercrime operatives sa Philippine National Police (PNP), maging sa sa National Bureau of Investigation (NBI), na maaaring aktibong makipagtulungan sa NTC na labanan ang pornograpiya.
Aminado naman ang NBI na sadyang napakalawak na ng sexual exploitation sa bansa at tinawag na nga nila itong cottage industry at napakarami ng ‘cybersex dens’ ang mga sinalakay sa magkakahiwalay na lugar.
Ang PNP Anti-Cybercrime Unit ay may pahayag din na ang Pilipinas ay isa na umanong billion dollar global child cybersex industry dahil sa sobrang kahirapan lalo pa noong panahon ng pandemya.
Halos ganito rin ang nilalaman ng ulat ng States of the World’s Children na pinamagatang “Children in a Digital World,” na tumatalakay sa oportunidad at delikadong sitwasyon ng mga bata online.
Isa sa tatlong internet users umano sa buong mundo ay bata. May mga pagkakataon pa ngang hindi nasusubaybayan ng mga magulang ang mga ito na lubhang napakadelikado dahil sa isang click, maaari nilang ma-access ang pornograpiya -- o maging sila mismo ay mabiktima ng mga mapagsamantala.
Habang lumalago nga ang teknolohiya, tila nagiging mas mabagsik din ang mga kawatan sa pag-iwas sa pangil ng batas.
Hindi naman tayo umaasa sa himala. Ngunit sa haba ng taning na ibinigay ng pamahalaan ay hindi natin maiiwasang umasa na agaran nang masupil ang child pornography lalo sa panahong ito na mas mahaba ang inilalaang oras ng mga kabataan sa harap ng cellphone, computer o tablet. Sa isang digital na mundo kung saan bahagi ng buhay, pag-aaral at maging trabaho ang teknolohiya, ang mahigpit na pagpapatupad sa mga batas at alituntuning pumapalibot sa pagkitil sa pornograpiya ang pinakamabisang sandata natin laban sa tila hindi mapigil na paglaganap nito.
Sa kabila ng lahat ng ginagawa ng ating pamahalaan upang labanan ang problemang ito, hindi ito sapat kung hindi nito katuwang ang mga magulang at pamilya ng mga kabataan. Kung kaya’t hinihikayat natin ang mga nagbabantay sa mga kabataan na tutukan at bantayan ang “screen time” ng kanilang mga anak upang hindi sila magkaroon ng access sa pornograpiya sa isang banda, at wala ring access sa kanila ang mga masasamang loob sa kabilang banda.
Ang pandemya ng pornograpiya ay isang malawakang suliraning kailangang supilin mula puno hanggang ugat. Sa ating sanib-puwersang pakikibaka laban dito, nawa ay wala nang musmos ang mahuhulog sa patibong ng mga halang ang kaluluwa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios