top of page
Search
BULGAR

Mahigit P2 trilyong halaga ng kalakal ipinupuslit sa Pilipinas taun-taon

ni Chit Luna @News | August 7, 2024


News Photo
Photo: Punching


Mahigit P2 trilyong halaga ng kalakal, kabilang ang mga pekeng kontrabando, produktong agrikultural, sigarilyo at tabako ang ipinupuslit sa Pilipinas taun-taon, na dumadaya sa kita ng gobyerno at nagpapahina sa mga lokal na industriya, ayon sa Federation of Philippine Industries Inc. (FPI).


Sinabi ni FPI president Jesus Montemayor sa National Anti-Illicit Trade Summit na ginanap sa Manila Hotel noong Hulyo 25, 2024 na ang smuggling at illicit trade ay hindi lamang krimen sa ekonomiya kundi panganib din sa komunidad.


Aniya, ang mga puslit ng kalakal ay sumisira sa tiwala ng publiko sa gobyerno, nakokompromiso sa kalidad at kaligtasan ng mga mamimili at pinipigilan ang paglago ng mga lehitimong negosyo.


Sinabi ni Montemayor na sa nakalipas na limang taon, nawalan ang gobyerno ng tinatayang P905 bilyon na potensyal na kita dahil sa smuggling.


Nagpakita naman si FPI chairman Jesus Lim Arranza ng resulta ng isang pag-aaral na nalulugi ang pamahalaan ng P250 bilyon na halaga ng value-added tax dahil sa smuggling kada taon.


Dahil ang VAT ay kumakatawan sa 12 porsiyento ng halaga ng mga imported goods, mahigit P2.3 trilyon na halaga ng mga puslit na produkto ang hindi patas na nakikipagkumpitensya laban sa mga lokal na produkto bawat taon, dagdag ni Arranza.


Ayon kay Arranza, ang mga kalakal na pumapasok sa Pilipinas na hindi nagbabayad ng karaniwang buwis ay umaabot sa P2.3 trilyon, at ito ay may ripple effects sa ekonomiya at sa pamahalaan.


Sinabi ni Assistant Secretary Carlos C. Carag ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Office (DAIE) na naaapektuhan din ng smuggling ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.


Ang pagpupuslit ng agrikultura ay nagdudulot ng malaking banta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at malaking panganib para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili, ayon kay Carag.


Sinabi ni Carag na ang mga smuggled na produkto ng pagkain ay lumalampas sa kontrol at inspeksyon sa kalidad, umiiwas sa pagbabayad ng buwis at nagpapahina sa lokal na produksyon ng pagkain. Ito ay dapat ituring na economic sabotage, ayon kay Carag.


Kinilala ni Paul Oliver Pacunayen, hepe ng Intellectual Property Rights Division ng Bureau of Customs, ang limang pinakakaraniwang ipinuslit na produkto bilang sigarilyo, iligal na droga, pekeng produkto, produktong pang-agrikultura at general merchandise.


Batay aniya ito sa dami ng mga bodega na sinalakay ng mga ahente ng Bureau of Customs noong unang kalahati ng 2024. Bilyon-bilyong halaga ng ipinagbabawal na sigarilyo at vape ang nakumpiska ng ahensiya ngayong taon, na nagpapaliwanag sa pagbaba ng koleksyon ng tobacco excise tax.


Tinatayang 20 porsiyento ng mga sigarilyong ibinebenta sa Pilipinas ay iligal, at dahil dito ay bumagsak ang koleksyon ng excise tax ng tabako ng P41 bilyon sa nakalipas na dalawang taon.


Sinabi ni Bienvenido-Oplas Jr., presidente ng Bienvenido S. Oplas Jr. Research Consultancy Services at Minimal Government Thinkers, sa kanyang regular na column sa isang pahayagan na tumindi ang smuggling ng sigarilyo nang lumagpas sa P50 kada pakete ang tabako ang excise tax noong 2021.


Humigit-kumulang 50 porsiyento ng mga koleksyon ng buwis sa tabako ang nagpopondo sa Philippine Health Insurance Corp. at Health Facilities Enhancement Programs (HFEP). Samantala, 5 porsiyento, o P4 bilyon, ang napupunta sa mga local government units na pinagmumulan ng burley at native tobacco habang 15 porsiyento, o P17 bilyon, ay inilaan sa mga LGUs na gumagawa ng Virginia tobacco.


Hiniling ng FPI sa mga ahensiya ng gobyerno na puspusang ipatupad ang mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang smuggling at iba pang anyo ng ipinagbabawal na kalakalan.


Ang pagtutulungan ng industriya at gobyerno ay makatutulong ng malaki para makamit ito, ani Montemayor.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page