ni Mary Gutierrez Almirañez | April 18, 2021
Mahigit P1.6 billion standby funds at relief goods ang inilaan ng pamahalaan para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Bising, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, Abril 18.
Sabi pa ng NDRRMC, naghanda ang central office at field offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P556,438,277 na pondo, kung saan available na ang P517,992,176 Quick Response Fund sa main office nito.
Dagdag pa nila, naghanda rin ang DSWD ng 370,058 family food packs na nagkakahalagang P188,605,445 at iba pang food items na mahigit P336,080,171 at non-food supplies na katumbas ng P521,499,769.
Samantala, iginiit din ng Department of Health (DOH) na naglaan sila ng mahigit P9.4 million pondo para sa mga gamot, medical supplies at health kits, partikular na ang COVID-19 supplies at personal protective equipment (PPE).
Sa ngayon ay nagpatupad na ng forced evacuation sa mga residenteng nakatira sa baybayin at ilang evacuees na rin ang nagpalipas ng magdamag sa evacuation center simula kagabi.
Nananatili pa rin namang nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 1 at 2 sa Bicol, Eastern Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Nauna na ring nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas ng paaralan ang Catanduanes para sa Lunes, Abril 19.
Ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa 375 kilometro silangang bahagi ng Juban, Sorsogon o 345 kilometro sa silangang parte ng Virac, Catanduanes.
Comments