ni Mary Gutierrez Almirañez | April 19, 2021
Halos limampung libo ang pumirma sa inilunsad na online petition upang patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi maayos na pamamahala sa lumalaganap na COVID-19 pandemic at sa pakikipag-ugnayan umano nito sa China, batay sa lumabas na resulta ng isinagawang petition ngayong Lunes, Abril 19.
Ayon kay Health Alliance for Democracy Chairperson Dr. Edelina De La Paz, "This statement will attest that people are no longer satisfied. If he doesn’t step down, then at least, the positive effect of this is it has made more people aware, made more people to be able to stand up and speak up." Kabilang sa mga pumirma sa Change.org petition na may titulong ‘Save the Nation! Duterte Resign!’ ay halos 500 medical workers, abogado, negosyante, miyembro ng academe, media workers at civic leaders.
Nilinaw naman ni De La Paz na walang halong pamumulitika ang isinagawang petition.
Aniya, "The situation is already too much. You have the pandemic, which is worsening. One year na tayong naka-lockdown, wala namang nangyayari. Tapos ang sitwasyon sa West Philippine Sea is so volatile that really a policy has to be imposed. Those islands are ours. Ang nakakabahala pa, payag siyang ipalit ang soberanya natin para lang sa bakuna."
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang public address nitong Huwebes na hindi naman nagkulang sa pagresponde ang gobyerno.
Paliwanag niya, "I'd like to just disabuse the mind of nagkulang tayo. Wala na kayong tiningnan kundi ‘yung kagaguhan n’yo. Hindi tayo nagkulang.
“Baka sabihin n'yo wala naman talagang solusyon ito. Meron po, itong kaharap n’yo, ‘wag na ako, palaos na ako," pagbibida pa niya sa kanyang mga aides o itinalaga sa position.
“Harap ka sa panel, ‘yan… Puro bright ‘yan, puro valedictorian. Alam nila kung anong gawin nila. ‘Wag kayong mag-alala, we chose the right people to run the government,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa ngayon ay patuloy pa ring mataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, sa kabila ng ipinatutupad na quarantine restrictions at health protocols.
Comments