ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 23, 2023
Regular na nakikipagpulong ang Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) para sa partnership ng pribadong sektor sa pamahalaan sa aspeto ng pagpapalakas sa ekonomiya.
Ilan lang ito sa grupong regular na kinakaharap ni P-BBM, ngunit ang PSAC ang isa sa pinakaproduktibo pagdating sa pagbuo ng mga trabaho at iba pang programa na nakakatulong sa pag-unlad ng bansa.
Ngayon, tila nagkaroon ng kakampi ang ating mga ‘kagulong’ dahil biglang nagkaroon ng pag-asang maging lehitimo ang trabaho ng mga ‘habal-habal’ driver sa bansa upang makadagdag sa serbisyo ng transportasyon.
Ito ay matapos imungkahi ng PSAC ang paglikha ng Motorcycle Micro Business Program sa pamamagitan ng presidential order para i-empower ang ‘nanopreneurs’ sa motorcycle industry.
Layunin ng programa na makabuo ng mahigit dalawang milyong trabaho para sa riders at magkaroon umano ng pagbabago sa kanilang kabuhayan na maging platform self-entrepreneurs.
Maganda ang layunin ng PSAC dahil nais nilang itaas ang antas ng pagiging ‘habal-habal’ driver sa pamamagitan ng pagbibigay ng masusing pagsasanay alinsunod sa pinakamataas na safety standards, hindi lang para sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa ngayon, ang Angkas at Joyride umano ang ilan sa mga aktibong nagbibigay ng serbisyo sa maraming pasahero, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa ilang maunlad na lalawigan sa buong bansa.
Patunay lamang ito na hindi na mapipigilan ang paglakas ng puwersa ng ating mga ‘kagulong’ dahil may mga grupo na tulad ng PSAC na dapat nating pasalamatan sa ipinapakita nilang pagmamalasakit sa ating mga ‘kagulong’.
Samantala, inaprubahan naman ni P-BBM ang panukalang five-year extension ng isang automotive incentive program kung saan dalawang car manufacturers lamang ang lumahok.
Ang naturang anim na taong extension sa Automotive Resurgence Strategy (CARS) program ay tuluy-tuloy na magbibigay ng insentibo at suporta para sa manufacturers na tutugon sa specific requirements na may kaugnayan sa investment, production at technology development.
Actually, nakuha lang natin ang mga detalyeng ito matapos mag-anunsyo at makipagpulong kay P-BBM ng PSAC at iba pang grupo na binubuo ng mga lider ng pribadong kumpanya noong nakaraang Huwebes.
Nakakatuwa dahil ang CARS ay patuloy sa pagbibigay ng mga makabuluhang oportunidad, hindi lang sa trabaho kundi maging sa ibang pagkakakitaan at ikauunlad ng isang indibidwal na magpapatibay sa pundasyon ng ekonomiya ng bansa.
Ang 27 bilyong CARS program ay nakilala sa pamamagitan ng 2015 executive order (EO), na binibigyan ang mga manufacturers ng anim na taon para makagawa ng 200,000 units para sa kada-enrolled car types upang makakuha ng insentibo.
Sa dinami-rami ng kumpanya, tanging ang Toyota at Mitsubishi lamang ang lumahok sa programa dahil ang Toyota ang gumawa ng Vios compact car at ang Mitsubishi naman ang gumawa ng Mirage model.
Inaabangan ito ng maraming kumpanya dahil ang Toyota ay mayroon na lamang hanggang 2024 para matugunan ang commitments nito. Samantalang, ang binubuno namang deadline ng Mitsubishi ay hanggang ngayong taon na lamang.
Ginagawa ang ganitong programa upang ang bansa ay makasabay sa mga kakumpitensya dahil lubhang bumagsak ang ating car output at pinakamababa sa Southeast Asia ilang buwan bago nailabas ang EO.
Ipinamalas ng CARS kung gaano kaepektibo ang kahalagahan ng operasyon ng high-end manufacturing na talagang malaking tulong sa pagbuo ng mga trabaho, transfer technology at isinusulong ang global competitiveness at suportado ang domestic ang auto manufacturing.
Sa ngayon, kitang-kita na habang tumataas ang benta ng mga bagong sasakyan na umabot ng 21.8% nitong nagdaang buwan ng Abril, umabot naman ang month-on-month decline na 16.9% na naitala rin ng kaparehong buwan.
Kaya muli, salamat sa PSAC dahil sa suporta ninyo sa ating mga kababayang kailangan pang bumalanse araw-araw para mabuhay—'yan ang mga kapatid nating rider.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios