ni Jeff Tumbado | February 1, 2022
Pinalakas pa ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang bakunahan laban sa COVID-19 bilang paghahanda na rin sa pagsisimula na maturukan ang mas nakababatang populasyon o ang mga edad 5 hanggang 11.
Ito ay makaraang umabot na ng 140 ang vaccination sites na itinakda ng Quezon City LGU sa anim na distrito na araw-araw ang operasyon.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, tinatayang 2.8 milyon ang mga eligible na residente ng Quezon City ang target pang mabakunahan laban sa COVID-19.
Hindi pa aniya kasama sa nasabing bilang ang mga manggagawa sa lungsod ngunit sa ibang lugar nakatira.
“We are expanding and intensifying our vaccination program to accommodate the city’s eligible population, estimated at 2.8 million residents, including 5-11 year old children. This figure does not include the thousands of non-resident workers who also get their shots in the city,” ang pahayag ni Belmonte, na muling kandidato sa ikalawang termino.
Kabilang sa vaccination areas sa Quezon City ay ang health centers, malls, schools, community venues, mga simbahan at iba pang special venues tulad ng Smart Araneta Coliseum at Quezon Memorial Circle.
May mga bakunahan din sa loob ng subdivision, pribadong lugar-trabaho, government agencies, care homes, at ibang institusyon. Mayroon ding home vaccinations para sa mga bedridden at drive-thru jabs sa ilang mall parking lots.
Para sa mga interesadong indibidwal o pamilya, maaaring tingnan ang schedule at lugar ng bakunahan sa opisyal na Facebook page ng Quezon City government.
Maaari ring magparehistro sa QC VaxEasy Portal www.qceservices.quezoncity.gov.ph/qcvaxeasy, sa mga barangay pero may limitadong slots para sa mga walk-in sa mall vaccination sites.
Kommentare