ni Mylene Alfonso | June 24, 2023
Inamin ni Senador Imee Marcos na sadya siyang hindi nakilahok sa botohan sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill dahil sa kanyang paniniwala na “hinog sa pilit” ang panukala. Ayon sa kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., marami siyang katanungan sa panukala at batid umano ito ng Punong Ehekutibo.
"At tiyak alam din ng aking kapatid 'yan kaya ang sabi ko sa kanya parang nag-aalangan ako at hindi ako bumoto," wika ng senadora.
Nabatid na 19 na senador ang pumabor sa batas, bumoto naman ng “no” si Sen. Risa Hontiveros at nag-abstain si Sen. Nancy Binay.
"Alam naman n'yo na hindi ako nakilahok sa Maharlika Bill dahil tulad ng maraming Pilipino, marami akong pangamba d'yan. Kasi sa tingin ko masyadong hinog sa pilit at marami akong hindi naintindihan at maraming higit pa duda at pangamba” dagdag pa ng senadora.
Matatandaang pinirmahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang panukala at dadalhin ito kay House Speaker Martin Romualdez para sa kanyang pirma bago dalhin sa Palasyo na agad umanong pipirmahan ni Pangulong Marcos.
Comments