ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | June 4, 2023
Nitong nakaraang Miyerkules, pinagbotohan sa Senado ang panukalang pagtatayo ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Labing-siyam na senador ang bumotong pabor dito ngunit ang inyong lingkod ay piniling mag-abstain sa botohan.
☻☻☻
Sa ilang linggong deliberasyon, nagkaroon tayo ng pagkakataon na magtanong at mapakinggan ang mga argumento para at laban sa pagtataguyod ng Maharlika Investment Fund.
Naniniwala tayo na kailangang gumawa ng mga hakbang para muling bumangon ang ating ekonomiya.
Naiintindihan din natin kung papaano makakatulong ang Maharlika Investment Fund sa ating long-term economic growth.
Maraming amendments at safeguards ang aming naidagdag sa panukalang batas ngunit sa kabila nito, naniniwala ako na mas marami pa rin ang mga katanungan na hindi nasagot.
☻☻☻
Kabilang sa aming tungkulin bilang halal ng taumbayan na protektahan ang interes ng taumbayan.
Sinuri natin at tinimbang ngunit sadyang kulang ang panukalang batas.
Kapos pa ang Maharlika Investment Fund sa mga batayang dapat magsusulong sa interes ng taumbayan, at magbibigay proteksyon sa pondo natin na dapat pangalagaan.
Huwag tayong magmadali at siguruhin natin na hindi natin pagsisisihan ang pagsasabatas ng Maharlika Ivestment Fund.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments