ni Mylene Alfonso | June 1, 2023
Pirma na lang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang kulang upang maging ganap na batas ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) matapos lumusot na sa Bicameral Conference Committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kaugnay nito, wala umanong intensyon ang pamahalaan na gamitin ang state pension funds bilang seed fund para sa panukalang MIF.
Ginawa ni Marcos ang pahayag nang lumusot sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senado ang MIF na sinertipikahang urgent ng Pangulo matapos ang mahigit 12 oras na marathon hearing na nagtapos alas-2:30 ng madaling-araw nitong Miyerkules, Mayo 31.
Ito ay makaraang sang-ayunan ni Marcos ang isa sa mga pagbabago sa panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng pondo ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance (PhilHealth) corporation, Pag-IBIG, at iba pa sa Maharlika Fund.
"I perfectly agree. We have no intention of using... kukuha tayo ng pera ng pension fund. That's not... We will not use it as a seed fund," sabi ni Marcos sa sidelines ng 86th anniversary ng GSIS sa Pasay City.
Gayunman, inihayag ng Pangulo na kung naniniwala ang isang state pension fund na isang magandang investment ang kontrobersyal na Maharlika Fund, nasa kanila na ang desisyon kung pipiliin nilang mamuhunan.
"However, if a pension fund, which is what pension funds do, is they invest. If the pension fund decides that Maharlika fund is a good investment, it's up to them if they want to invest in it," paliwanag ng Pangulo.
Dagdag pa ni Marcos na tulad ng ibang mga korporasyon, ang pension fund ng bansa ay maaaring mamuhunan sa Maharlika Fund upang mapangalagaan ang kanilang pondo.
"Not only pension funds but corporations, mga fund 'yan lang ang ginagawa nila, pinapapalaki nila 'yung pera nila para meron silang maibigay. Like the GSIS, this is precisely what they have been doing. They are making sure that they are very solid, they very stable," punto pa ni Marcos.
Nabatid na 19 na senador ang pumabor sa MIF habang kumontra si Senador Risa Hontiveros at nag-abstain naman sa pagboto si Sen. Nancy Binay.
Samantala, hindi nakaboto sina Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, Sen. Francis Escudero at Sen. Imee Marcos.
Comments