top of page
Search
BULGAR

Mahalagang papel ng cultural mapping

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | February 23, 2023



Noong nakaraang mga linggo, ibinahagi natin sa espasyong ito ang tungkol sa Senate Bill No. 1841 na nilalayong maprotektahan ang mga ‘cultural assets’ ng ating bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng cultural mapping.


Ang SBN 1841 ay nakalap mula sa iba’t ibang panukalang-batas, kasama na ang aking SBN 117, pagkatapos ng pagtalakay ng Committee on Culture and Arts at Committee on Local Government.


Sakop ng cultural mapping ang mga sistematikong gawain at metodolohikal na proseso para sa paggalugad, pagdiskubre, pagdokumenta, pagsuri, pag-interpreta, pagpresenta, at pagbahagi ng impormasyon tungkol sa mga pamanang-lahi ng mga komunidad sa bansa. Mahalaga ang papel ng ating mga komunidad sa grassroots approach na ito.


☻☻☻


Napakarami nating yamang kultural at natural sa bansa.


Sa kasalukuyan, mayroon tayong anim na lugar na kinikilala ng UNESCO bilang World Heritage Sites: ang mga Baroque churches sa Miag-ao, Iloilo; Paoay, Ilocos Norte; Santa Maria, Ilocos Sur, at San Agustin sa Manila; rice terraces ng Batad, Bangaan, Mayoyao, Hungduan, at Nagacadan sa Cordillera; ang lungsod ng Vigan; Tubbataha Reefs Natural Park sa Sulu Sea; Puerto Princesa Subterranean River National Park; at Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental.


Marami pang lugar ang maaaring mapabilang na World Heritage Site, halimbawa ng Mount Pulag, Mayon Volcano, Tabon Cave, Apo Reef, Coron, at Sibuyan Island.


☻☻☻


Subalit, masalimuot ang proseso para rito.


Kaya natin ipinaglalaban na maisabatas ang SBN 1841 ay upang makapagtatag tayo ng maayos na sistema mula sa mga komunidad hanggang sa pambansang pamahalaan.


Ngunit hindi lang natin ito ginagawa para makilala sa buong mundo.


Gaya ng nabanggit ko sa aking co-sponsorship speech para sa panukalang ito, ‘Ang bayang nakakalimot ay bayang naliligaw.’


Kailangan nating gawin ito upang masiguro na ang mga yaman ng nakaraan ay hindi magsisilbing alaala na lamang, kundi mga kayamanang matatamasa ng mga henerasyon sa kasalukuyan at kinabukasan.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page