ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 20, 2021
Dear Doc. Shane,
May tumubong mga butlig-butlig sa aking katawan, makati ito at nakaiistorbo sa aking pagtatrabaho. Wala naman akong maalala kung kanino ako nahawa o paano ako nagkaroon nito? Ano ang dapat kong inumin o gawin? – Larah
Sagot
Dahil iba’t iba ang sanhi ng mga butlig-butlig, hindi sapat na alam lang natin na may butlig-butlig upang makapagbigay ang inyong lingkod ng diagnosis at gamot. Kinakailangang masuri ng doktor at maiugnay ang mga butlig-butlig sa iba pang sintomas.
Kung magpapatingin sa dermatologist, mahalaga ring malaman niya kung kailan nag-umpisa, saang bahagi ng katawan naunang lumabas at kung ano’ng mga nagti-trigger sa pagkakaroon ng mga butlig-butlig na ito. Itatanong din niya ang ilang detalye tungkol sa iyo tulad ng mga gamot na iyong iniinom, mga ipinapahid sa katawan at ang iyong sex life. Pagkatapos pa lamang nito siya magkakaroon ng ideya kung ano ito bago makapagbigay ng solusyon.
Kung ang mga butlig-butlig ay dahil sa virus, puwedeng kusa na lang itong mawala. Kung ito naman ay allergic, puwede itong mawala kung maiiwasan mo ang trigger o mitsa na nagdudulot sa pagkakaroon o pagsumpong ng mga butlig-butlig. Habang hindi pa nakapagpapatingin sa doktor, ang pag-inom ng over-the-counter na antihistamine ay puwedeng makatulong na mawala ang pangangati sa katawan.
Comments