@Buti na lang may SSS | April 25, 2021
Dear SSS,
Ako ay construction worker sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit mahalaga ang maging miyembro ng Social Security System (SSS) para sa aming mga manggagawa? Maaari rin bang i-withdraw ang pagiging miyembro sa SSS? – Roderick
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Roderick!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat ipinagdiwang natin kahapon ang Labor Day o Araw ng Paggawa bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga manggagawa sa ating bansa. Ito rin ang dahilan kaya minabuti ng ating mga mambabatas na isulong ang pagkakatatag ng Social Security System (SSS). Kaya naman tatalakayin natin ngayon ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS lalo na sa mga manggagawang tulad mo na nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Ang SSS ay itinatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Nilalayon ng batas na bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor maging mga propesyunal at nasa informal sector. Bilang tugon dito, pinangasiwaan din ng SSS at iba’t ibang benepisyo tulad ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death at funeral benefits para sa mga miyembro nito.
Hinihikayat ka namin na ipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS sapagkat ito ay paraan ng forced savings o sapilitang pag-iimpok bilang paghahanda sa iyong pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa iyo bilang pensiyon sa katapusan ng mga produktibong taon ng inyong buhay.
Bukod sa pensiyon, nagbibigay din ang SSS ng mga pautang para sa mga panandaliang pangangailangan ng mga miyembro tulad ng salary, calamity at emergency loans batay sa mga kontribusyong inyong naihulog. Kahit ang pensiyunado ay maaari pa ring mag-apply sa Pension Loan Program bilang suporta sa mga medikal at iba pang mga pangangailangan ng ating mga pensyonado.
May kasabihan tayo na “once a member, always a member” dahil habambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Dahil dito, hindi mo maaaring bawiin ang pagiging miyembro mo. Kahit nga nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro ng SSS. Kahit din sa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawala ang naihulog niya at mananatiling nasa rekord niya ang mga ito.
Sa panahon na wala kang naihulog sa SSS, maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga’t natutugunan mo ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Sa katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisaryo ng benepisyo ng pagpapalibing o funeral benefit.
Malaki ang bentahe ng manggagawa na tulad mo, Roderick kaya patuloy kang maghulog ng kontribusyon sa SSS hanggang sa oras ng iyong pagreretiro. Ikaw rin at ang iyong pamilya ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog mo sa hinaharap.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments