top of page
Search
BULGAR

Mahalagang mag-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module para sa pagtanggap ng benepisyo

at pautang


@Buti na lang may SSS | February 28, 2021



Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang tinatawag na Disbursement Account Enrollment Module ng SSS? Bakit ito mahalaga para sa mga miyembro at paano mag-enroll dito? – Sally ng Davao City


Sagot


Nakita ng SSS na malaking hamon ang pagre-release ng benepisyo at pautang gamit ang nakagawiang pagpapadala ng tseke sa pamamagitan ng koreo. Dahil dito, naglatag ang SSS ng mga pamamaraan upang mapabilis ang pagre-release ng benepisyo at pautang sa mga miyembro. Gayundin, matiyak namin ang kaligtasan ng miyembro lalo na ngayong may pandemya. Mula ng nakaraang taon, ipinatupad ng SSS ang alternatibong pagbabayad ng benepisyo o pautang sa mga miyembro ang tinatawag na SSS Bank Enrollment Module.


Sa pamamagitan nito, diresto nang papasok sa in-enroll mong account ang anumang benepisyo o pautang mula sa SSS. Maaaring i-enroll sa DAEM ang sumusunod: Bank account na nasa mga bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) electronic wallet tulad ng GCash o PayMaya remittance transfer companies (RTCs)/cash payout outlets (CPOs).


Mahalaga ito dahil hindi na kailangang magtungo sa bangko upang i-encash o ideposito ang tseke ng tinatanggap mong benepisyo o pautang mula sa SSS.


Bago makapag-enroll sa DAEM, dapat tiyaking mayroon ng account sa My.SSS. Kung wala pa, maaaring magtungo sa website at i-click ang “Member.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang magrehistro dito. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon at magpapadala ang SSS sa iyong inirehistrong e-mail address ng link upang magamit na ang account.


Dahil mayroon ng My.SSS account, maaari ng mag-enroll sa DAEM. Una, mag-login sa My.SSS account. Makikita ang DAEM sa E-Services Tab at i-click mo ito. Basahing mabuti ang mga paalala. I-click ang box ng “I certify that I have read and understood the foregoing reminders on account enrollment,” at sunod i-click mo ang “Proceed.”


Lilitaw sa screen ang enrollment option na maaari mong pagpilian tulad ng bangko, e-wallet, o RTC/CPO. Kung bangko ang pinili, kailangan mong ilagay ang iyong bank account number. Kung e-wallet o RTC/CPO, kinakailangan mo namang ilagay ang iyong mobile number na naka-link sa e-wallet o RTC/CPO.


Kapag nakapili na, i-click ang “Select Document Type.” Sa bahaging ito, dapat kang mag-attach ng dokumento o katunayan ng in-enroll mong account. Maaaring i-upload ang alinman sa sumusunod: kopya ng iyong ATM card na makikita ang account number at pangalan mo, bank certificate o statement kung naiisyu ito bago ang taong 2019, foreign remittance receipt, passbook, screenshot ng iyong online o mobile banking account, validated deposit slip, o screenshot ng iyong mobile app account para sa e-wallet.


Tiyaking malinaw ang kuha o pagkaka-scan ng dokumento. Dapat ding nababasa ang impormasyon na nakalimbag dito. Maaaring magsagawa ng karagdagang beripikasyon ang SSS upang matiyak na ikaw ang may-ari ng in-enroll mong account.


Sunod, i-click ang box ng “I agree that the information…” Tapos, i-click ang “Enroll Disbursement Account.” Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong account enrollment at ang status o resulta ng iyong enrollment.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page