top of page
Search
BULGAR

Mahalaga bilang proteksiyon ang bakuna

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 22, 2021



Dalawang linggo na ang nakalilipas nang ang inyong lingkod ay makapagbakuna. Napakahalaga ng bakuna upang mapangalagaan natin ang ating sarili mula sa mga sakit, partikular sa COVID-19.


Lilinawin lang natin, hindi porke nabakunahan na tayo kontra COVID ay hindi na tayo tatablan nito. Maaari pa rin tayong tablan, pero mas may laban ang ating katawan sa posibleng paglala ng karamdamang ito. Base ‘yan sa pahayag ng mga eksperto.


Umabot sa ating kaalaman na hanggang sa kasalukuyan, marami pa sa mga kababayan natin ang parang takot at nagdadalawang-isip na magpabakuna. Ultimong senior citizens na siyang pinaka-nalalagay sa panganib ‘pag tinamaan ng COVID ay ayaw umanong magpabakuna.


Sabi ng mga kababayan natin, dapat maging mabilis ang gobyerno sa pagbabakuna upang ma-achieve ang herd immunity. Pero, paano natin ito mararating kung marami sa atin, ayaw magpabakuna?


Dapat, bago matapos ang taong kasalukuyan, makapagbakuna tayo ng higit kalahating porsiyento ng ating populasyon para marating natin ang herd immunity. Pero kung hindi, masasayang ang mga bakuna, masisira at mapupunta sa wala ang mga ginastos natin.


Sa isang household, kung isa lang ang nakapagbakuna, at lahat ng kasama ay patuloy na tumatanggi, paano nila mapangangalagaan ang kalusugan ng isa’t isa?


Ang pagpapabakuna ay hindi lang para sa ating sarili kundi para na rin sa kapakanan ng mga kasama natin sa bahay, sa trabaho at sa mga taong nakasasalamuha natin sa araw-araw.


Panawagan na lang natin sa gobyerno, partikular sa Interagency Task Force (IATF), pasimulan na ang inoculation para sa A4 group o itong mga kababayan nating essential and frontline workers, at ilang grupo ng pribadong sektor. Gayunman, pagtuunan pa rin natin ng pansin ang pagbabakuna sa ating seniors at sa mga kababayang may comorbidities. Para kasi hindi masayang ang mga bakuna, bakunahan na natin ang mga next in line priorities at ‘yung mga taong willing o gustong magpabakuna. Kung hihintayin natin ‘yung mga naunang priorities na hindi naman mapilit, posibleng mapunta lang sa wala ang mga pinagkagastusan nating vaccines.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page