top of page
Search
BULGAR

Mahalaga ang kooperasyon at pakikiisa ngayong panahon ng pandemya

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 24, 2021



Nitong mga nakaraang taon, nagsumikap si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino. Sa mahigit limang taon, niya ang iba’t ibang reporma para ipatupad ang mga pagbabago na kinakailangan natin bilang bansa.


Kaya sa ating manifestation nitong Miyerkules, todo-suporta tayo sa proposed 2022 budget ng Office of the President at ng Presidential Management Staff. Ang paalala lang natin sa mga kasamahan sa gobyerno, siguraduhing magagamit nang tama ang pondo ng bayan at makararating ang serbisyo sa mga Pilipinong nangangailangan, lalo na ang mga walang matakbuhan at sobrang hirap na.


Talagang nakita natin ang dedikasyon ng mga tao sa gobyerno. Saksi tayo sa kanilang galing at sipag sa pagseserbisyo sa bayan at sa mga kapwa natin Pilipino. Kaya naman, palagi nating ipinaglalaban na maging patas tayo sa pagtingin sa gobyerno dahil marami riyan ay malinis ang hangarin at gusto lamang makapagserbisyo sa bayan.


Pinupuri natin si Pangulong Duterte sa talumpati nito sa United Nations General Assembly. Isang karangalan para sa ating bansa ang makapagsalita ang ating lider sa harapan ng buong mundo at imungkahi ang katayuan at katatagan ng Pilipinas.


Sa harap ng maraming pagsubok, naninindigan tayong walang Pilipinong mapapabayaan sa pamumuno ng ating nag-iisang pinuno ng bansa.


Tayo naman at ang ating tanggapan ay patuloy na umaagapay sa gobyerno upang maiparating sa tao ang mga programang makabebenepisyo sa kanila. Patuloy ang ating pag-iikot sa bawat sulok ng bansa upang rumesponde sa pangangailangan ng ating mga kababayan na may hinaharap na krisis o sakuna.


Mula Setyembre 18 hanggang 23, tinulungan natin ang ating mga kababayan sa Iloilo upang maiangat ang kabuhayan nila. May 300 na mga benepisaryo sa Pavia; 300 sa San Miguel; 200 naman sa Leganes; at 200 na indibidwal sa New Lucena. Sa probinsiya naman ng South Cotabato, may 1,000 na benepisaryo tayong tinulungan mula sa Polomolok.


Sa Davao City naman, namahagi tayo ng tulong sa 5,000 na mga residente mula sa iba’t ibang barangay, tulad ng Bgy. Cabantian, Bgy. Indangan, Bgy. Alejandra Navarro, Bgy. Gatungan, Bgy. Angliongto, Bgy. Communal, Bgy. Tigatto, Bgy. Waan, Brgy. Mandug at Bgy. Callawa.


Tinulungan din natin ang mga indigent at vulnerable na mga manggagawa, tulad ng 191 sports technical officials sa Quezon City; 3,006 TODA members at market vendors sa Castillejos, Zambales; 2,000 transport workers sa Magalang, Pampanga; 4,500 naman na mga essential workers sa San Narciso, Zambales; 3,888 farmers, vendors, TODA members, at jeepney drivers mula sa Licab, Nueva Ecija.


Sa Visayas, nag-abot din tayo ng tulong sa 1,000 indigents sa General McArthur at Salcedo sa Eastern Samar; 1,978 indibidwal na mula sa iba’t ibang sectoral groups sa Barugo, Mayorga, Javier, Burauen, at Tunga sa probinsya ng Leyte; at 512 out-of-school youth at displaced workers sa Daram, Samar.


Hindi rin natin kinalimutan ang ating mga kababayan na mga naging biktima ng sunog, tulad ng 70 na pamilya sa San Carlos City, Negros Occidental; 21 na pamilya sa Bagumbayan, Taguig City; 138 na pamilya sa Bgy. T. Padilla, Bgy. Duljo-Fatima at Bgy. Sta Cruz sa Cebu City.


Salamat sa DSWD at iba pang ahensiya sa mga programa nilang pangkabuhayan. Malaking tulong ito upang muling maiahon ang ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng iba’t ibang programang ito, mabibigyan ang mga nangangailangan ng puhunan, tuturuang magnegosyo, at tutulungang palaguin ito. Mas masarap ang pakiramdam kapag pinaghirapan at pinagpawisan ang pagnenegosyo sa tamang paraan. Dalhin sana ang kanilang kita sa kanilang pamilya at gamitin ito nang tama para makaahon tayo sa paghihirap na pinagdaraanan natin ngayon.


Mahalaga ang kooperasyon at pakikiisa sa panahong ito. Tama na ang siraan at sisihan dahil wala ‘yang lugar sa ating pag-unlad at paggaling mula sa pandemyang ito. Panahon ito ng bayanihan at pagtutulungan!


Sinisiguro nating na ang inyong pamahalaan ay palaging handa para tulungan kayo sa anumang panahon. Hinihiling lang natin ang inyong kooperasyon at suporta para maipatupad nang mas maayos at mas mabilis ang mga hakbang at inisyatibo para sa kabutihan nating lahat.


Suportado rin natin ang unti-unting pagluwag ng ating mga patakaran para sa mga nabakunahan na upang makatulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Isa na rito ang paglilimita sa paggamit ng face shields upang makahinga ang mga Pilipino at mapagaan ang hirap na kanilang dinadala.


Ang pangunahing proteksiyon naman natin ay ang mask at ang bakuna. Dagdag-proteksiyon ang face shield pero puwede nang hindi gawing mandatory ‘yan kung kung hindi crowded, hindi closed space, at wala namang close contact, o ang tinatawag ng mga eksperto na 3Cs.


Pero kahit luwagan pa ang ating mga polisiya, huwag pa rin tayong maging kampante dahil delikado pa ang panahon. Hikayatin natin ang ating mga kababayan na magpabakuna at sumunod sa mga patakaran upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang mas matatag na bansa!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page