Mahal na Araw: Banal na paglalakbay sa loob at labas ng bawat mananampalataya
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 13, 2025

Lumabas sa front page ng isang pahayagan ang larawan ng isang Hapon na balak maglakbay gamit ang “rickshaw”, sasakyang dalawa ang gulong na hinahatak kadalasan patakbo ng isang tao.
Balak ni “Gump Suzuki” na maglakbay mula Manila hanggang Davao. Bakit? Para saan? Hindi sinagot ang mga tanong na ito maliban sa “supported ng Department of Tourism” ang “Rickshaw Journey ni Suzuki.”
Para sa turismo, ibang-iba ito sa tinatawag na “Banal na Paglalakbay” na salin sa Pilipino ng salitang Ingles na Pilgrimage.
Simula na ng Banal na Paglalakbay ng bawat Kristiyano ngayong Linggo ng Palaspas.
Mula ngayon hanggang sa susunod na linggo ay mararanasan na ang Banal na Paglalakbay ng Mahal na Araw.
Mararanasan ng mga Kristiyano ang mahaba, matagal, malayo at sakripisyo at disiplina ng Semana Santa. Hinihingi ng banal na linggong ito ang malalim, taimtim at tunay na pakikiisa natin sa Misteryo Paskuwal: paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesu-Kristo.
Sa mga nagdaang araw at sa mga darating pa sa bawat parokya ay matutunghayan natin ang iba’t ibang sangkap ng Banal na Paglalakbay.
Una, ang pisikal na paglalakbay na nararanasan sa Visita Iglesia. Noong nakaraang Miyerkules, Abril 9, ginanap ang Visita Iglesia ng Our Lady of Perpetual Help Parish sa Project 8, Quezon City.
Malayo ang paglalakbay ng mahigit 300 parokyano (7 bus, 45 pasahero ang bawat isa). Dumalaw at nagdasal ang mga peregrino sa mga simbahan ng Manaog, Mangaldan, San Jacinto, Dagupan, Calasiao at Santa Barbara.
Pangalawa, ang mahigit tatlong oras na 14 na istasyon ng krus noong nakaraang Biyernes.
Pangatlo, maikli man ngunit makabuluhang paggunita ng pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, ngayong Linggo ng Palaspas. Ang pari ay sasalubungin ng mga parokyanong may hawak na palaspas mula labas hanggang pasukan at looban ng simbahan.
Pang-apat, ang pabasa ng Banal na Pasyon sa Lunes Santo, simula ng alas-4 ng umaga hanggang bandang alas-10 ng gabi. Ang mahabang pag-awit ng kasaysayan ng pasyon ng Panginoon ay paanyaya sa malalim na paglalakbay ng isip, puso, diwa at kaluluwa kasama ang Panginoon sa paggunita sa kanyang paghihirap, mula sa harap ni Pilato hanggang sa mga daan ng Jerusalem, tungo sa kalbaryo na magtatapos sa libingang pinaglagakan kay Hesus.
Panlima, ang Kumpisalang Bayan sa Martes Santo, mula alas-6 ng gabi hanggang makapagkumpisal ang pinakahuling penitente sa loob ng simbahan.
Pang-anim, Liturhiya ng Huwebes Santo, mula Misa ng Krisma (alas-6 ng umaga sa Katedral ng Cubao) hanggang Misa ng Huling Hapunan at Paghuhugas ng Paa ng mga Apostoles at ang paggunita ng Huling Hapunan ni Kristo at ang 12 apostoles sa pamamagitan ng tunay na hapunan ng pari kasama ang napiling gaganap sa 12 apostoles.
Pangpito, ang mga Liturhiya ng Biyernes Santo, mula sa Senakulo ng mga Kabataan sa umaga, ang Siete Palabras mula alas-12 ng tanghali hanggang bago mag-alas-3 ng hapon, ang Liturhiya ng Salita, Pagpupugay sa Krus at ang Komunyon. Bandang alas-5 ng hapon, ang mahabang prusisyon ng mga santo, mula kay Pilato hanggang Santo Entiero at Birhen Dolorosa at ang iba’t ibang mga santong iniingatan ng mga pamayanan na nakalulan sa mga karosa o sasakyan sa gitna ng mahabang prusisyon.
Pangwalo, ang tahimik na umaga ng Itim na Sabado hanggang hapon, na sa buong araw hanggang bandang alas-8 o alas-10 ng gabi, mananahimik ang lahat sa diwa ng panalangin at pagluluksa sa walang tigil na “pagpatay ng tao sa Diyos” sa kanyang karahasan, kasakiman at kamanhiran tungo sa kapwa.
Pangsiyam, ang Sabado de Gloria at ang Misa ng Pagbabasbas at Pagbabalik ng ilaw at galak dahil sa nalalapit na muling mabuhay ang Panginoon.
Pangsampu, ang Salubong ng Ina na masaya’t nagpapasalamat at ang Kanyang Anak na si Hesus na muling nabuhay.
Punung-puno ng mayamang pag-alaala, pagninilay at panalangin ang mga Liturhiya ng Mahal na Araw. Mahaba, malayo, matagal, mahirap ang paglalakbay sa labas at loob ng Mahal na Araw.
Huwag kalimutan na meron ding “Paskuwa ng Pasyon” ni Inang Kalikasan na walang tigil na pinapahirapan at tila pinapatay ng mga korporasyon na sinusuportahan ng mga walang pakialam na mga pulitiko. Tulad ng nagaganap na pagwasak ng mga bundok ngayon sa Pakil at iba pang karatig na bayan sa Laguna.
Hindi lang sa isang parokya magaganap ang mga gawain at Liturhiya ng Mahal na Araw. Mangyayari ito sa lahat ng parokya sa buong Pilipinas.
At muling mabubuhay ang malalim na pakikiisa ng lahat ng Kristiyano kay Hesu-Kristo, sa kanyang Misteryo Paskuwal, at muli ring tatatag at tatapang ang bawat Kristiyano na huwag matakot at panghinaang loob na sumunod at tumulad sa Panginoon sa ating personal at kolektibong pagyakap sa ating sarili’t personal na misteryo paskuwal tungo sa pagbabago ng sarili ng bawat mamamayan.
Bình luận