ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 29, 2023
Nitong Lunes, July 24, narinig natin ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na umabot ng isa’t kalahating oras.
Inilatag niya ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng isang buong taon, gayundin ang mga nakatakda pa niyang gawin sa mga darating na taon.
Nang maupo siya bilang Punong Ehekutibo noong Hunyo 30, 2022, nagsisimula pa lang tayong bumangon mula sa dagok ng pandemya ng COVID-19. Batid ng Pangulo ang mga sigalot na kanyang haharapin dahil hindi biro ang gagawin nating pagbawi mula sa sadsad na kalagayan ng bansa dulot ng COVID.
Isa sa mga binalikat ng Pangulo ang unemployment rate ng bansa na nagawa niyang pababain sa pagtatapos ng taong 2022. Mababatid na nang matapos ang taong 2021, umabot sa 7.8% ang unemployment rate sa Pilipinas. Malaking factor talaga rito ang bagsak na estado ng kalakalan sa kasagsagan ng pandemya. Pero sa pagtatapos ng 2022, bumaba ito sa 5.4%.
Isa sa mga sektor na naiangat ng administrasyong Marcos ang turismo. Alam naman natin na isa ang turismo sa talagang pinadapa ng pandemya. Sa report ng Pangulo, sa kalahating taon ng 2023, tumanggap ang Pilipinas ng 3 milyong international visitors.
Ang ibig sabihin, nakuha natin ang 62% ng target nating 4.8 million international visitors ngayong taon. Hindi pa tapos ang 2023, kaya’t malaki ang pag-asa na matudlo natin ang target.
Sa mga unang bahagi ng taon, marami sa atin ang nabahala sa inflation. Pero ang magandang balita, tuluyan itong kumalma nitong nakaraang buwan. Katunayan, mula 8.7% nitong Enero, bumaba ito sa 5.4% nitong Hunyo. Lumago rin ang ekonomiya hanggang 7.6% noong 2022. For the first quarter, pumalo sa 6.4% ang ating growth rate.
Sa kanyang SONA, sinabi ng Pangulo na pasok pa tayo sa full year target na 6-7% at ang pinakamaganda sa lahat, isa tayo sa ikinokonsiderang fastest growing economies hindi lang sa buong Asya kundi sa buong mundo.
At para masustina ang magandang katayuan ng ating ekonomiya, kailangan ang talagang pinakamahuhusay na polisiya, programa at investments. Sa pamamagitan din nito, magkakaroon tayo ng matibay na pundasyon para maging sustainable sa mahabang panahon. Kaya’t tayo ay nagpapasalamat sa Pangulo dahil binibigyang prayoridad ng kanyang administrasyon ang investments sa public infrastructure at sa capacity development ng mamamayan.
Para naman sa usapin sa agrikultura, sinabi ng Pangulo na mapalalakas ang sektor sa pamamagitan ng consolidation, modernization, mechanization and improvement of value chains. Napapanahon din ang mga bagong proyektong pang-imprastraktura na malaking kapakinabangan sa mga darating na panahon. Kabilang sa mga proyektong ito ang digital connectivity, energy, airports, seaports at mass transport. Lahat, mahalaga sa mamamayan at sa pag-abante ng ekonomiya.
Nagpapasalamat din tayo dahil tiniyak ng Presidente na prayoridad ng kanyang administrasyon ang kalusugan, partikular ang pagsiguro sa distribusyon ng allowances para sa health workers na talaga namang buwis-buhay sa kasagsagan ng pandemya.
Inihayag din ng Pangulo ang importansya ng innovation at entrepreneurship na magpapalakas sa micro-small and medium enterprises (MSMEs). At para masiguro na taglay ng mga negosyo ang kinakailangang skills para tuluy-tuloy ang takbo o operasyon, pinuri ni P-BBM ang reskilling at upskilling na ipinatutupad ng mga employer. Hiniling din niya sa mga ito na ipagpatuloy lang ang pagpapatupad sa sistemang ito upang mas mahulma ang galing at talento ng kani-kanilang mga empleyado.
Ipinaliwanag din ng Pangulo sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng digitalization sa gobyerno. Sa pamamagitan nito kasi, mas magiging episyente at mas madali ang government transactions at mas mabibigyan pa natin ng maayos na serbisyo ang publiko. Kasabay nito, ipinangako rin ng Punong Ehekutibo ang paglilinang sa internet speed hindi lang sa Kalakhang Maynila kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.
Lahat nang ito na nabanggit natin tungkol sa SONA ng Pangulo ay bahagi ng ating Tatak Pinoy advocacy. Ano ba ang layunin ng ating isinusulong na Tatak Pinoy? Nais nating mapalago at mapagyabong ang mga industriyang Pilipino, upang makagawa tayo ng complex, high-quality at high-value products na maaaring makipagsabayan globally.
Nagpapasalamat din tayo kay P-BBM na isa sa mga priority bills na nais niyang patutukan sa Kongreso ang ating Tatak Pinoy bill. Alam kasi niya na malaking bagay ito upang masiguro natin ang magandang kinabukasan ng Filipino industries and service providers, makilala at makapasok sa pandigdigang merkado.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments