ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 22, 2023
Naging produktibo ang ating unang araw sa Senado ngayong linggong dahil may kabuuang 17 panukalang-batas ang pumasa sa ikatlo at huling pagbasa. Kapag tuluyang naisabatas, malaki ang maitutulong ng mga ito sa ating mga kababayan na bahagi ng iba’t ibang sektor, at sa pag-unlad ng ating bansa. Ilan sa mga ito ay naging co-author at co-sponsor ang inyong lingkod.
Una sa mga panukalang-batas na pumasa na co-author tayo ang Senate Bill No. 1841, o “An act strengthening the conservation and protection of our national cultural heritage through an enhanced cultural policy and cultural mapping program.” Mahalaga na mapreserba at mapangalagaan ang ating mga pamanang kultura upang mapanatili natin ang ating pambansang pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Co-author at co-sponsor naman tayo sa Senate Bill No. 1594, o “An act institutionalizing the One Town, One Product (OTOP) Philippines Program.” Napakaimportante na masuportahan natin ang micro, small, and medium enterprises o MSMEs, lalo na ang mga nasa probinsya dahil sila ang backbone ng ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng panukalang ito, matutulungan natin ang MSMEs na buhayin at muling pagyabungin ang kanilang maliliit na negosyo, kasabay ang paglikha ng mga trabaho at oportunidad para sa iba nating kababayan.
Dahil napakahalaga sa akin ng edukasyon ng mga kabataang Pilipino, co-author at co-sponsor din tayo ng Senate Bill No. 1359, o “An act prohibiting the imposition of a ‘no permit, no exam’ policy.” Sa ilalim nito, walang institusyong pang-edukasyon, pampubliko o pribado, ang dapat magpataw ng anumang patakaran na pumipigil sa mga mag-aaral na may outstanding financial o property obligations, na kumuha ng exam o anumang uri ng educational assessment. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang pangunahing layunin ko ay mapangalagaan ang physical at mental health ng mga estudyante natin. Hindi dapat malipat sa kanila ang burden kung hindi agad sila makabayad ng matrikula. Lagi nating unahin ang kapakanan ng ating mga estudyante bago ang lahat.
Kabilang din ang Senate Bill No. 1864, o “An act providing for a moratorium on the payment of student loans during disasters and other emergencies” kung saan naging co-author at co-sponsor tayo. Layunin nito na magkaloob ng tulong sa mga estudyanteng may mga pagkakautang, pero hindi nila mabayaran sanhi ng mga kalamidad at iba pang krisis. Sa ilalim nito, suspendido rin muna ang pagbabayad ng student loans sa gobyerno, maging ang interes at multa, habang umiiral ang moratorium.
Ang iba pang panukalang-batas na naging co-sponsor tayo at naaprubahan ay may kinalaman sa pagpapaganda ng kalidad ng ating edukasyon tulad ng pagsasaayos ng mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang komunidad, at paglalaan ng pondo para sa mga ito.
Ang edukasyon ang isa sa mga pangunahing karapatan ng bawat Pilipino at susi sa kanilang pag-angat sa buhay at pag-unlad ng ating bansa, kaya ibinigay ko ang aking buong suporta sa mga kapwa ko mambabatas sa mga panukalang-batas na kanilang isinusulong.
Sa labas naman ng Senado, patuloy ako sa paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga programa at pagkakaloob ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Kahapon ay binisita natin ang Malasakit Center sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria, Bulacan para alamin kung ano pa ang mga kailangan para mas mapaganda ang serbisyo nito. Matapos ito ay personal na namahagi naman tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng nasabing bayan.
Nitong lunes, masaya kong ibinabahagi na isinagawa ang groundbreaking ceremony ng itatayong Vintar Super Health Center sa Ilocos Norte. Inalalayan naman ng aking tanggapan noong araw na ‘yun ang walong residente ng Bgy. Peñaplata, Island Garden City of Samal, Davao del Norte na nasunugan.
Noong Marso 17, sinaksihan natin ang groundbreaking ceremony ng itatayong Super Health Center sa Mawab, Davao de Oro. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 mahihirap na residente sa lugar.
Personal din akong namahagi ng tulong para sa mga naging biktima ng pagbaha sa 759 residente ng Bgy. San Isidro, Bunawan District, Davao City, habang ang aking tanggapan ay nagpaabot ng tulong sa mahihirap na mga residente, tulad ng 233 sa Salcedo, Eastern Samar. Hindi rin natin kinalimutang alalayan ang 33 mahihirap na residente ng Candaba, Pampanga.
Patuloy lang tayo sa mga trabahong ipinagkatiwala ng taumbayan sa amin bilang halal na opisyal.
Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito, kaya kung anumang kabutihan o tulong na pwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.
Kasama ko ang ating mga lingkod-bayan, patuloy akong tutulong sa abot ng aking makakaya at magseserbisyo sa inyo dahil ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Kommentare