top of page
Search
BULGAR

Magulang ng 16-anyos na namatay sa Dengvaxia, todo-alala sa mga anak na naturukan din

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 16, 2022


May mga magulang na sadyang mapalad sa pagkakaroon ng mga anak na sa murang edad pa lamang nila ay tumutulong na upang maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya. Kabilang sa mga magulang na ito sina G. Jimmy M. Tenebroso at Gng. Rubelyn S. Tenebroso ng Cebu. Ang kanilang anak na si Jerome Salazar ay maagang nakaisip ng paraan upang sila ay masuportahan. Nabanggit ito nina G. Jimmy at Gng. Rubelyn sa kanilang salaysay.


Anila, “Siya ay namamasada gamit ang padyak upang matulungan kaming matugunan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan.” Sa kasamaang palad, ang pagpadyak ni Jerome ay hindi na nakatawid sa mahaba-haba at matatag na mga daan ng buhay.


Si Jerome, 16, ay namatay noong Abril 23, 2019. Siya ang ika-137 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jerome ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang barangay noong Agosto 23, 2017.


Ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Myocardial Failure (Immediate Cause); Rheumatic Heart Disease, In Failure, New York Heart Association Class 4, Stage C (Antecedent Cause).


Noong unang linggo ng Setyembre 2018 ay nilagnat si Jerome. Siya ay nagkaroon din ng rashes sa likod at mga binti. Siya ay pinainom ng paracetamol, subalit pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at rashes. Ang mga ito ay nagpatuloy sa mga sumunod na buwan. Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri gaya ng CBC at x-ray. Base sa resulta ng CBC, normal ito, subalit ang resulta ng kanyang x-ray ay nagpakita na mayroon siyang enlargement of the heart. Iminungkahi ng doktor na ipa-2D echo ang puso niya, ngunit hindi ito naipagawa ng kanyang mga magulang dahil hirap silang makakuha ng schedule sa isang ospital sa Cebu. Noong Disyembre 2018, hindi pa rin bumuti ang kanyang kalagayan. Nagkakaroon pa rin siya ng pabalik-balik na lagnat at rashes sa katawan.


Pagdating ng 2019, nadagdagan ang kanyang mga naging karamdaman hanggang sa bawian siya ng buhay noong Abril 23, 2019. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Enero - Muling sinuri si Jerome at isinailalim sa 2D echo. Base sa resulta ng 2D echo ay mayroon siyang Rheumatic Heart Disease. Siya ay tinurukan ng antibiotics at niresetahan ng mga gamot para sa kalagayan ng kanyang puso. Hindi pa rin bumuti ang estado ng kanyang kalusugan sa mga sumunod na buwan.

  • Marso - Pabalik-balik na naman ang kanyang lagnat at lumitaw ang mga rashes sa kanyang katawan.

  • Abril - Parehong mga sakit pa rin ang pinagdadaanan niya. Siya ay nagsusuka rin ng parang laway. Kasabay nito, nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan. Namanas din ang kanyang mga paa.

  • Abril 18, alas-10:00 ng gabi - Dinala siya sa isang ospital sa Cebu at in-admit siya. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri. Siya ay nagkaroon na rin ng ubo. Nagreklamo siya ng pananakit ng sikmura. Ayon sa doktor, ang pananakit ng kanyang sikmura ay kaugnay sa sakit niyang Rheumatic Heart Disease.

  • Abril 22, alas-8:00 ng gabi - Inilipat si Jerome sa ward section ng ospital. Siya ay nagreklamo ng pananakit ng tiyan, nagsusuka at hindi pa rin nawala ang kanyang rashes sa katawan. Bandang ala-1:00 ng madaling-araw, matapos niyang umihi, napansin ng kanyang pamilya na naghahabol na siya ng hininga. Siya ay na-CPR at in-intubate.

  • Abril 23 - Sa kabila ng pagtatangka ng mga medical personnel na isalba ang kanyang buhay, nabigo pa rin sila dahil pagsapit ng alas-2:00 ng madaling-araw, tuluyan nang pumanaw si Jerome.


Ayon sa mga magulang ni Jerome, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Jerome. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Siya ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball at marunong sa buhay. Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan siya ay labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw.


“Ang aming anak ay nabakunahan ng Dengvaxia sa aming barangay bilang programa ng Department of Health. Ang bawat kabahayan sa aming barangay ay hinimok ng mga health workers sa amin upang makiisa sa nasabing programa at pabakunahan ng Dengvaxia ang aming mga anak. Ayon sa nangasiwa ng nasabing pagtuturok sa aming barangay, ang Dengvaxia ay bakuna kontra dengue infection. Sa pag-aakalang mainam ito sa kaligtasan ng aming mga anak, nagpasya naman kaming pabakunahan sila ng Dengvaxia.”


Ang pagdadalamhati nina G. Jimmy at Gng. Rubelyn ay nadagdagan pa ng bigat dahil sa labis na pag-aalala sa dalawa pa nilang anak na sina Jinnylyn at Jimrex Tenebroso na kapwa naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 23, 2017. Ang paghingi ng tulong nina G. Jimmy at Gng. Rubelyn sa PAO at PAO Forensic Team ay hindi lamang para kay Jerome kundi para na rin kina Jinnylyn at Jimrex.


May mga katulad na sitwasyon ang nangyayaring ito sa sambahayan nina G. Jimmy at Gng. Rubelyn sa mga kliyente ng aming tanggapan sa tinaguriang Dengvaxia cases. Kaya ang laban namin sa mga namayapang biktima ay laban din para sa surviving victims na bagama’t buhay ay may iba’t ibang karamdaman na nananatiling banta sa kanilang kalusugan. Ito ang dahilan kaya ipinaglalaban ng mga magulang ang mga kasong ito, sapagkat hindi lamang ang pagkamatay ng kanilang mga anak ang kanilang ipinaglalaban. Para rin ito sa marami pang naturukan na patuloy na nangangambang maranasan din nila ang naranasan ng mga batang namatay dahil sa bakunang Dengvaxia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page