top of page
Search
BULGAR

Magulang ng 12-anyos na namatay sa Dengvaxia, pursigidong mapanagot ang nasa likod ng pagbabakuna

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 4, 2022


May mga tagpong hindi kailanman mabubura sa alaala ng bawat pamilya. Para sa pamilya Benaro, ito ay may kaugnayan sa mahal nilang kapamilya na si Nicole Benaro.


Salaysay nina G. Rolando at Gng. Rocelyn Benaro ng Quezon City tungkol sa anak nilang si Nicole, “Napakalambot ng buong likod na bahagi ng kanyang katawan. Awang-awa kami sa kanya dahil alam naming labis ang kanyang paghihirap. Ang tiyan niya ay napakatigas, subalit ang buong katawan niya naman ay malambot. Sadyang kalunos-lunos ang naging kalagayan ng aming anak.”


Si Nicole, 12, namatay noong Abril 15, 2019, ang ika-132 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Multiorgan Dysfunction Syndrome (Renal, Hepatic, Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause), Nephrotic Syndrome (Antecedent Cause) at Idiopathic (Underlying cause).


Si Nicole ay naturukan ng Dengvaxia sa health center sa kanilang lugar noong Setyembre 8, 2017. Saad ng kanyang mga magulang, “Pumayag kami na mapabakunahan ang aming dalawang anak na sina Nicole at Nadine dahil sa pag-aakalang makabubuti ito sa kanila.” Naalala ng mag-asawang Benaro na noong huling linggo ng Mayo 2018 ay lumaki ang leeg ni Nicole na parang may beke, pagkatapos ay namaga ang kanyang mata hanggang sa ibaba ng kanyang katawan.


Pinatingnan siya sa albularyo at sa mga sumunod na buwan, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Nicole. Narito ang ilang mga detalye:

  • Hunyo - Si Nicole ay na-diagnose na mayroon diumanong Nephrotic Syndrome. Na-confine siya sa isang ospital sa Quezon City. Matapos ang isang linggong gamutan, nawala ang manas niya, pero binigyan siya ng prednisone, enalapril at calcium carbonate para sa kanyang maintenance. Pinababalik din sila ng doktor para sa buwanang check-up.

  • Agosto 13 - Pina-check-up ulit siya sa nasabing ospital dahil pa rin sa pamamanas niya. Binigyan siya ng karagdagang gamot na amoxicillin. Umayos ang kalagayan niya, ngunit bumalik ang pamamanas niya.

  • Oktubre 13 - Dinala ulit siya sa naturang ospital. Isang linggo siyang naka-confine, pero pinauwi siya pagkaubos ng kanyang antibiotics dahil prone diumano siya sa impeksyon at baka mahawa siya sa mga pasyente na may ibang sakit sa nasabing ospital.

  • Nobyembre 26 - Muli siyang dinala sa ospital para sa kanyang buwanang check-up. Isa lamang ito sa follow-up check-up niya. Bago siya dalhin du’n, inuubo na siya nang isang linggo. Nagsimula na ang pasulpot-sulpot na pagpasok niya sa eskuwelahan dahil sa mga sakit na nararamdaman niya. Manas pa rin siya at pinayuhan sila na ipasailalim siya sa renal biopsy; sobrang mahal ang bayad dito kaya hindi nila naipagawa.

  • Disyembre 6 - Bumalik sila sa ospital para sa buwanang check-up ni Nicole. Sobrang manas na niya at lumaki ang kanyang tiyan. Pareho pa rin ang sinabi ng doktor na ipagpatuloy ang pag-inom ng kanyang antibiotics at mga maintenance.


Mula Enero hanggang Abril 2019 ang naging mga kritikal na sandali ni Nicole hanggang sa siya ay pumanaw noong Abril 15, 2019:

  • Enero 3 - Ibinalik siya sa ospital, manas pa rin ang buo niyang katawan at nagtataka na sila kung bakit hindi nawawala ang kanyang pamamanas kahit siya ay binibigyan ng gamot para rito. Sinabihan ulit sila na isailalim siya sa renal biopsy. Dahil pa rin sa kakulangan ng pera ay hindi nila ito naipagawa. Binigyan muli siya ng antibiotics at pinauwi na sila.

  • Enero 10 - Dahil manas pa rin ang buo niyang katawan, sinabihan sila na si Nicole ay mayroon nang steroid dependent and relapse, subalit itinuloy pa rin ang pagbibigay sa kanya ng steroids.

  • Pebrero 7 - Muli siyang na-confine sa ospital at nagtagal du’n nang isang linggo. Binigyan siya ng albumen (pampaihi) dahil sobra na ang kanyang pamamanas. Binigyan siyang muli ng iba pang gamot, subalit hindi bumubuti ang kalagayan niya. Nagkaroon siya ng pneumonia, kaya binigyan siya ng antibotics. Naibsan naman ang kanyang manas, subalit hindi nawala ang kanyang ubo. Pagkatapos ng isang linggo, pinauwi na rin siya.

  • Marso 31 - Muli siyang dinala sa ospital. Grabeng sakit ang naramdaman niya nang panahong ‘yun dahil sumasakit ang kanyang mga buto sa ibabang bahagi ng kanyang mga paa. May mga butas sa kanyang mga paa, kung saan may lumalabas na tubig sa sugat na naging resulta ng pagkakamot niya tuwing siya ay nangangati.

  • Abril 6 - Lumabas sila ng ospital dahil pinayuhan ng doktor na baka mahawa si Nicole sa sakit ng ibang mga pasyente kung magtatagal pa siya ru’n.

  • Abril 10 - Nag-seizure siya nang alas-4:30 ng madaling-araw, naulit ang kanyang seizure bandang alas-4:45 ng madaling-araw. Nagpasya ang mag-asawang Benaro na dalhin siya sa ospital. Habang nasa taxi sila, nag-seizure siya sa ikatlong pagkakataon. Pagdating nila sa nasabing ospital, nilagyan siya ng suwero at sinabihan sila na lalagyan siya ng tubo at nasogastric tube (NGT) at kinabitan din siya ng catheter. Sa mga sumunod na araw, lumala ang kalagayan niya. Hirap na siyang huminga hanggang sa dinala na siya sa intensive care unit (ICU).

  • Abril 15 - Nanatili si Nicole sa nasabing ospital hanggang sa siya ay bawian ng buhay ng petsang ito.

Pagsasalaysay ng kanyang mga magulang, “Maayos ang kalusugan ni Nicole at hindi pa siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan ng Dengvaxia vaccine. Malaki ang paghihirap ng aming anak nang mga panahong nasa ospital siya. Napakasakit nito para sa amin, kaya nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Ang nagpapabigat pa sa patuloy na pagdadalamhati nila ay ang matinding pag-aalala sa isa pa nilang anak na nabakunahan din. Hirap sila sa buhay at nasa isip nila ang naging paghihirap noon ni Nicole na maaaring maranasan din ng isa pa nilang anak. Hindi na nila muli pang kakayanin kung ang isa pa nilang anak na ipinagkatiwalang mabakunahan ng Dengvaxia dahil sa sinasabi nilang makabubuti sa kanila ay makaranas din karamdamang dulot ng nasabing bakuna. Kaya ang inilapit nilang hiling sa PAO at PAO Forensic Team ay para sa katarungan, hindi lamang kay Nicole kundi sa kapatid niyang ito at sa lahat ng katulad nilang biktima.

Kalakip nito ang kanilang taimtim na dasal na makamit ang katarungan at malayo sana sa kapahamakan ang isa pa nilang anak, gayundin ang iba pang mga batang naturukan ng Dengvaxia. Kasama nila ang PAO hanggang sa makamit nila ang katarungan na kanilang minimithi at ipinagdarasal.

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page