top of page
Search
BULGAR

Magulang ng 12-anyos, kumbinsidong ‘di severe dengue ang ikinamatay ng anak kundi Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 4, 2020


Higit kailanman ay ramdam namin sa Public Attorney’s Office (PAO) ang pag-inog ng gulong ng buhay ngayong hawak namin ang Dengvaxia cases. Gayunman, sa pagkilos ng gulong ng buhay, tanggap namin ang natural nitong mosyon, ngunit hindi kailanman ang isinasagawa ritong manipulasyon. Noong nakaraan nating artikulo, nabanggit ko ang mga naganap noong Nobyembre 24, 2020 sa Tanggapan ng Prosekusyon at ang magaganap pa lamang sa Regional Trial Court Branch No. 107, na parehong mahalaga sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng Dengvaxia. Mataas ang antas ng aming kaligayahan noon, subalit nasundan ito ng pagbaba ng antas ng aming tuwa.


Kamakailan, may senador na ginamit ang kanyang kapangyarihan upang makagawa ng aksiyon sa 2021 budget ng PAO upang ang mga forensic doctors at iba pang miyembro ng PAO Forensic Laboratory Division ay hindi makatanggap ng kanilang mga sahod at iba pang mga benepisyo. Malinaw na ito ay panggigipit sa naturang mga doktor at kanilang mga kasama sa PAO Forensic Laboratory na tumutulong sa kaso ng Dengvaxia, at iba pang mga kaso na hawak ng PAO na nangangailangan ng forensic services. Hindi maikukubli ng naturang senador ang kanyang layunin na magdulot ng paralisasyon sa PAO Forensic Laboratory. Hindi niya malulumpo at maigugupo ang tingkad at rubdob ng aming pagpupunyagi na patuloy na maisulong ang nararapat na mga legal na aksiyon para sa mga biktima ng Dengvaxia. Isa sa kanila si Renelyn Avellanosa.


Si Renelyn ay 13-anyos nang namatay noong Abril 5, 2018 at siya ang ika-43 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Renelyn ay nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan, una noong Abril 4, 2016; pangalawa noong Nobyembre 23, 2016; at pangatlo noong Agosto 29, 2017. Noong Marso 27, 2018, nagreklamo siya ng labis na pananakit ng tiyan at likod. Hindi siya makatayong mag-isa at nagdurugo ang kanyang mga gilagid. Pabalik-balik din ang kanyang lagnat na sinabayan pa ng pag-uubo. Dinala siya ng kanyang mga magulang na sina G. Reny at Gng. Mylene Avellanosa sa isang klinika sa Cavite City at niresetahan siya ng antibiotics para sa pananakit ng kanyang katawan. Pagsapit ng Abril 2018, lumala ang mga nararamdaman ni Renelyn na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye:


  1. Abril 1, 2018 ̶ Hindi na makatayo si Renelyn at nawalan ng pangkalahatang lakas ng katawan. Nakaranas siya ng pabalik-balik na mataas na lagnat, ngunit hindi siya nakitaan ng mga pantal.

  2. April 2, 2018 ̶ Dinala siya sa isang health center.

  3. April 3, 2018 ̶ Dahil sa referral ng Department of Health (DOH), dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang medical center, at habang nandu’n siya ay laging gusto niyang matulog.

  4. April 4, 2018 ̶ Ala-1:00 ng madaling-araw, inilipat siya sa isang ospital, at ayaw na niyang kumain. Nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan, at hirap sa paglunok at paghinga. Isinailalim siya sa hematology at platelet count. Nang unang kinuhanan siya ng platelet count, alas-5:00 ng madaling-araw, normal pa ang resulta nito, pero pagsapit ng tanghali, nagsimulang bumagsak ang kanyang platelet count, at hindi gumaganda ang lagay ni Renelyn.

  5. Abril 5, 2018 ̶ Ala-1:55 ng madaling-araw nang muli siyang makaranas ng labis na hirap sa paghinga. Siya ay naghingalo at sinubukang i-revive ng mga doktor, subalit tuluyan na siyang binawian ng buhay pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw.


Anila G. at Gng. Avellanosa, “Ang kalusugan ni Renelyn ay maayos bago siya maturukan ng Dengvaxia, ngunit nang siya ay nabakunahan, nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanyang kalusugan.” Mariin din nilang ipinahayag ang mga sumusunod:


“Sa kanyang death certificate, ang sinasabing dahilan ng kamatayan niya ay severe dengue. Paano siya magkakaroon ng dengue kung siya ay nabakunahan ng Dengvaxia na sinasabi nilang bakuna pangontra rito? May kapitbahay kami na nagkaroon ng dengue, subalit gumaling matapos ang tatlong araw, samantalang si Renelyn na may tatlong turok ng pangontra dengue ay namatay nang napakadali matapos ma-ospital. Kami ay pumayag na mabakunahan si Renelyn ng Dengvaxia dahil ang pagkakasabi sa amin ay makabubuti ito sa kanya. Sinong magulang ang hindi papayag na mabakunahan nang libre ang kanyang anak, lalo pa at pangontra ito sa kagat ng lamok? Ito ay isang maliwanag na panloloko sa aming mag-anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito.”


Mulat sa naganap sa mga kapwa biktima ni Renelyn ang kanyang mga magulang at buo ang kanilang loob na ipaglaban ang sinapit nitong trahedya. Anila, “Ang mga sintomas na naramdaman ni Renelyn ay hindi kaiba sa mga sintomas na naramdaman ng ibang batang nabalitaan namin sa radyo at telebisyon na namatay na naturukan ng Dengvaxia. Halos lahat ng sintomas ay naramdaman ni Renelyn hanggang sa tuluyan nang gumupo ang kanyang murang katawan dahil sa karamdaman niya. Aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Renelyn.”


Ang libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, at special panel of attorneys ay patuloy naming ipinagkakaloob kina G. at Gng. Avellanosa, at sila ay mapalad dahil napagkalooban sila ng libre at maayos na kinakailangan nilang forensic services para sa mga labi ni Renelyn. Sa laban ngayon para sa karapatan ng mga forensic doctors at kasama nilang mga kawani sa PAO Forensic Laboratory, ang mga tulad ni Renelyn at iba pang mga kliyente ng PAO na may katulad ng pangangailangan ay kabilang sa pinanghuhugutan namin ngayon ng tibay ng kalooban.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page