ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 21, 2022
Kay saya ng pakiramdam kapag kasama ang mga mahal sa buhay habang pinagsasaluhan at nilalasap ang mga biyayang kaloob ng Diyos sa hapag-kainan. Sa ganitong pagkakataon, hindi lamang pisikal na katawan ang nabubusog kundi maging ang damdamin ay puspos ng saya. May mga ganitong sandali sa buhay ng mag-inang Allaine Marie B. Durano at Julienne Kailey Durano Vidallo ng Pasig City, ngunit may partikular na umaga noong Oktubre 15, 2018 na nagmistulang babala para sa mag-ina na ang mga tagpo sa kanilang hapag-kainan ay babawian ng saya. Sa nasabing petsa, naaalala ni Aling Allaine ang sumusunod,
“Kumain pa kami ng almusal ng aking anak at sumaglit sa school upang ipasa ang kanyang project at dumiretso na kami sa clinic. Sinuri ng doktor si Kailey at wala namang plema sa kanyang dibdib at likod, subalit napansin ng doktor na mapula ang kanyang lalamunan kaya siya ay niresetahan ng antibiotics na binili ko agad sa drugstore.”
Ang naturang araw ay bahagi ng trahedyang dinanas ni Kailey nang siya ay nabubuhay pa. Si Kailey, 12, ay namatay noong Oktubre 15, 2018. Siya ang ika-97 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Kailey ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pasig City. Una noong Hunyo 24, 2016; pangalawa noong Enero 11, 2017; at pangatlo noong Hunyo 28, 2017. Noong Oktubre 14, 2018, nilagnat si Kailey at ayon sa kanyang ina,
“Buong araw siyang nilagnat at dumadaing ng pananakit ng ulo. Inisip ko na lamang na dahil sa sobrang dami ng projects at tasks sa kanilang eskuwelahan, kaya sumasakit ang ulo niya. Pinainom namin siya ng paracetamol kada apat na oras at guminhawa naman ang pakiramdam niya pagsapit ng gabi, kaya nakapasok pa ako sa aking trabaho.”
Kinabukasan, Oktubre 15, naganap ang pangyayaring nailahad na sa itaas ng artikulong ito.
Pagkatapos ay umuwi ang mag-ina, sinabi ni Kailey sa kanyang ina na gusto lang niyang magpahinga dahil masakit ang kanyang ulo at mabigat ang kanyang dibdib. Nagpahinga silang mag-ina at nagising ng alas-7:30 ng gabi upang maghapunan at para mapainom ulit si Kailey ng gamot, subalit wala siyang ganang kumain. Alas-8:30 ng gabi, pumunta si Kailey sa banyo upang magsipilyo; narinig ng kapatid ni Aling Allaine na siya ay sumuka.
Bandang alas-10:00 ng gabi, nang magpapahinga si Aling Allaine, sumigaw ang bunso niyang kapatid dahil nakita nitong nakahiga si Kailey sa sahig at nakatirik ang mga mata nito. Iniupo niya agad si Kailey at hinagod-hagod ang kanyang dibdib. Wala nang malay si Kailey kaya isinugod siya sa pinakamalapit na ospital sa Pasig City, subalit dead-on-arrival na siya.
Sinubukan pa siyang i-revive ng mga doktor, subalit sila ay nabigo. Pinayuhan sina Aling Allaine na ipa-autopsy si Kailey, kaya dinala ang huli sa medico-legal ng Camp Crame.
Ani Aling Allaine, “Ayon sa Death Certificate ng aking anak, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ‘Lobar Pneumonia, left lung’.” Gayunman, humingi pa rin siya ng tulong sa Public Attorney’s Office, sa inyong lingkod, at sa PAO Forensic Team. Ayon kay Aling Allaine,
“Dahil palaisipan sa aming pamilya ang sanhi ng biglaang pagkamatay ni Kailey, napagdesisyunan naming humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang malaman ang naging sanhi ng agarang kamatayan ng aking anak.”
Ang labis na pagtatakang ito ni Aling Allaine ay bunsod ng sumusunod na mga dahilan,
“Si Kailey ay walang malalang sakit bago siya maturukan ng Dengvaxia. Kailanman ay hindi pa siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, bukod na lamang nitong kamakailan kung saan malubha siyang nagkasakit, na naging sanhi ng agaran niyang pagpanaw. Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aking anak.”
Ayon pa kay Aling Allaine, si Kailey ay hindi pa nagkaroon ng Dengue. Aniya, kung naipaliwanag sa kanya na maaaring makasama ito sa kalusugan ng kanyang anak na si Kailey at magiging sanhi pa ng kanyang dagliang pagpanaw ay hindi siya pumayag na mabakunahan ang anak. Si Aling Allaine ay naninindigan na dapat managot ang pinaniniwalaan niyang may kapabayaan sa nangyari kay Kailey. Kasama ni Aling Allaine ang inyong lingkod, special panel of public attorneys, forensic doctors at staff, at lahat ng mga sumusuporta sa tinaguriang Dengvaxia cases sa kanyang laban, para sa paghahari ng katarungan para kay Kailey.
Nang nabubuhay pa si Kailey, siya ay mahilig sumayaw at aktibo sa kanilang paaralan bilang student journalist. Sa patuloy naming pagpupunyagi na makamit ang hustisya para sa kanya at tulad niyang mga biktima, sana sa kanilang kinaroroonan, kung hindi man mapasayaw si Kailey,
sana ay may maisulat siya sa kanilang kuwento na magandang katapusan na hatid ng tagumpay ng katarungan.
Comments