top of page
Search
BULGAR

Magulang ng 10-anyos na namatay sa Dengvaxia, takot para sa isa pang anak na nabakunahan din

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 12, 2022


Hindi man nakakapagsalita, nakakikilos at halos pinanawan na ng pakiramdam dahil sa sakit na dumapo sa kanya, nagagawa pa ring lumuha ng mga mata niyang siyang tanging daan ng pagpapahayag ng kanyang saloobin.


Ano kaya ang nais niyang sabihin, mga kataga ng pagmamahal at pasasalamat sa kanyang mga mahal sa buhay? Ano kaya ang kanyang mga habilin, katotohanan at katarungan sa mapait at maaga niyang pagpanaw? Ang mga luhang ‘yun ay dumaloy sa halos comatose nang si Trisha Mae Solamo, Dengvaxia vaccine, at 10-anyos nang bawian ng buhay noong Marso 3, 2019.


Si Trisha Mae ang ika-121 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Trisha Mae ay naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 19, 2017 sa isang health center sa Marikina City. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Rosalio at Gng. Marlene Solamo ng Marikina City, kasama niyang naturukan ang nakakatandang kapatid na si Jan Karl Solamo. Anila, si Trisha Mae ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay masipag mag-aral at mahilig makipaglaro sa kanyang mga kaibigan sa kanilang lugar. Dagdag pa nila, “Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit na humantong na sa kanyang pagpanaw. Hindi rin siya nagka-dengue infection.”


Noong Oktubre 2018, nagbago ang ugali ni Trisha Mae. Anang kanyang mga magulang, “Siya ay naging bugnutin, mainitin ang ulo at tulog nang tulog. Siya ay nagreklamo rin ng pananakit ng ulo, tiyan at batok. Siya ay pinapainom namin ng paracetamol sa tuwing nakakaranas siya ng mga karamdamang ito at bumubuti naman ang kanyang kondisyon.”

Noong Disyembre 2018, muli niyang naranasan ang mga nabanggit na sintomas. Isinusuka rin niya ang kanyang kinakain. Pagdating ng Enero hanggang Marso 2019, ganito ang mga naranasan niya bago siya tuluyang bawian ng buhay:

  • Enero 19 - Nagkalagnat si Trisha Mae. Siya rin ay tulog nang tulog. Humina siya at nag-umpisang mangayayat.

  • Enero 26 Dinala siya sa isang ospital sa Marikina City, kung saan siya sinuri at nalaman na siya ay may UTI at lalo siyang nanghina. Siya rin ay nagsusuka. Niresetahan siya ng antibiotics at umuwi na rin sila sa bahay.

  • Enero 28 at sumunod na linggo - Hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Ito ay labis na ikinabahala ng kanyang mga magulang, ganundin ang mga pagbabago sa kanyang kalusugan. Siya ay dinala sa isang ospital sa Quezon City. Sa isolation room, siya ay niresetahan ng antibiotics para sa kanyang UTI. Nang sumunod na linggo, nagpatuloy ang kanyang lagnat; hindi ito bumababa sa kabila ng mga gamot na pinaiinom sa kanya. Sinabayan ito ng matinding pananakit ng kanyang ulo at pagsusuka.

  • Pebrero 4 - Isinailalim siya sa x-ray at nalaman na may pneumonia siya. Ang kanyang kaliwang mata ay namaga rin. Siya ay nag-seizure at nanigas ang kanyang katawan. Hindi na siya makausap nang maayos at umuungol na lang tuwing siya ay kinakausap. Pagkatapos, siya ay nawalan ng malay sa loob ng tatlong araw. Siya ay isinailalim sa CT Scan at base sa resulta, mayroon siyang Hydrocephalus at TB Meningitis. Makalipas nito, bumalik ang pagtugon ng kanyang katawan. Siya ay nagising, subalit siya ay palagi nang natutulog. Lumipat din sa kanan ang pamamaga ng kanyang mata.

  • Pebrero 17 - Inoperahan siya sa ulo at hindi na siya muling nagising. Ayon sa doktor, halos comatose na siya. Umabot din sa 170/140 ang blood pressure niya at mataas ang kanyang lagnat. Nakakagalaw at nakakaramdam pa rin siya, bagama’t nakapikit na lang. Nakita rin ng kanyang mga magulang ang pagdaloy ng kanyang mga luha.

  • Marso 1 - Pinainom siya ng gamot, subalit isinuka niya ito. Siya ay dehydrated at nangulubot ang kanyang balat. Base sa hitsura niya, brain dead na siya. Nang hawakan ng kanyang mga magulang ang kanyang ulo, malamig ito.

  • Marso 2 at 3 - Bumaba ang blood pressure niya at mabilis ang tibok ng kanyang puso. Noong Marso 3, bumagsak na ang kanyang kondisyon, may lumabas na puting bula sa kanyang ilong. Bumaba nang bumaba ang kanyang BP at siya ay nag-agaw buhay. Sinubukan siyang i-revive, subalit wala na silang nagawa at tuluyan na siyang namatay noong Marso 3, 2019.


Ayon kina G. at Gng. Solamo, “Napakasakit ng pagpanaw ni Trisha Mae. Siya ay masigla, aktibo at malusog na bata, kaya nakakapagtaka na bigla siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito. Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klase ng gamot ang naiturok sa aming anak at ganu’n ang nangyari sa kanya.


“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna kay Trisha Mae. Bukod pa rito, sa sinabi nila na ang bakuna ay magsisilbing proteksyon laban sa dengue, lalo na sa mga nagkaroon na ng dengue. Hindi ipinaliwanag ng mga empleyado ng aming health center ang maaaring maging epekto ng bakuna sa kalusugan ng aming anak. Dengvaxia lamang ang naiturok sa kanya bago siya makaramdam ng pagbabago sa kanyang kalusugan, kaya kailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga nagbakuna sa aming anak. Labis ang pighati na aming nararamdamang mag-asawa ngayon. Ganundin ang aming pagkabahala dahil ang kuya niya ay nabakunahan din ng Dengvaxia.”

Sa Dengvaxia cases, ang laban ng aming tanggapan at ng PAO Forensic Team ay hindi lamang para sa mga yumaong biktima tulad ni Trisha Mae kundi para rin sa surviving vaccinees na gaya ng nakakatandang kapatid niya. Nakakalungkot lang isipin na ang mga Dengvaxia survivors at kanilang mga magulang ay nanatili ang takot sa kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pagkakaturok.


Kaya naman ang laban ng mga batang namatay ay laban din ng mga batang patuloy na dinadala ang maaaring maging epekto ng eksperimentong bakuna na naiturok sa kanila. Patuloy kaming nagpupunyagi para sa karampatang hustisya para sa lahat sa kanila.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page