ni Ryan Sison - @Boses | July 16, 2021
Matapos ang mahigit isang taon nang ipatupad ang community quarantine sa bansa, nagsimula nang makalabas ang mga batang nasa edad 5 pataas sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ) at general community quarantine (GCQ).
Kaugnay nito, kamakailan ay dinagsa ang ilang parke sa Metro Manila dahil pinayagan na ng pandemic task force ang mga batang edad 5 na mamasyal outdoor areas tulad ng mga parke, playground, outdoor tourist site, non-contact sports courts at mga kainan sa al fresco.
Kabilang sa mga dinagsang pasyalan ang Intramuros, Quezon Memorial Circle, kung saan ayon sa ilang mga namasyal, ikinatuwa ng kani-kanilang mga anak ang pagpayag na makalabas habang may pandemya.
Matatandaang bago ang pandemya, nasa 14,000 katao ang pumupunta sa Intramuros kada araw, pero ngayon, nasa 500 hanggang 1,000 na lang ito, na malaking bagay pa rin para sa mga naghahanapbuhay sa tourism sector.
Samantala, bukas na rin ang iba pang pasyalan sa Quezon City tulad ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center, Urban Farming Area ng City Hall, Amoranto Stadium at 15 pang parke sa lungsod.
Ayon naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magpapasa ang mga alkalde ng resolusyon para matukoy ang mga parkeng puwedeng pasyalan.
Sa totoo lang, nakatutuwa na bagama’t limitado ang puwedeng puntahan ng mga bata, masasasabing puwede na talaga silang lumabas ng tahanan. ‘Yun nga lang, nangangailangan ito ng kooperasyon ng mga magulang.
Kaya naman, pakiusap kina nanay at tatay, kung ipapasyal ang mga bata, tiyaking alam din nila ang mga umiiral na health protocols dahil ayon sa mga awtoridad, kailangan ding sumunod ng mga ito sa ilang pag-iingat para maiwasan ang hawaan.
‘Ika nga, kung noon ay todo-ingat tayo, ngayon ay doblehin pa ang pag-iingat dahil nakalalabas na ang mga bata.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments