ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 24, 2021
Hindi pa rin tapos ang isyu ng bentahan ng malalaswang larawan at video ng kabataan online.
Kamakailan, 16 menor-de-edad ang nailigtas ng pulisya sa Bulacan, matapos mapag-alamang ginagamit ang mga ito sa kalaswaan sa internet.
Gayundin, arestado ang ilang suspek na napag-alamang magulang pa mismo ng mga biktima.
Kinumpirma rin sa mga pulis ng lima sa mga biktima ang online sexual exploitation na pinagagawa sa kanila kung saan napag-alaman ding inaalok sa ilang parukyano sa UK ang hubad na video at larawan ng mga bata sa halagang P2,000 hanggang P3,000.
Ayon sa isang opisyal ng PNP-Women and Children’s Protection Center, ni-refer ng UK National Crime Agency na mayroong facilitator sa Pilipinas na nagpapakalat ng mahahalay na larawan at video ng mga bata.
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil matagal nang isyu ang child pornography, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan. Ang masaklap pa, mismong mga magulang ang nagtutulak sa bata para gawin ang ganitong bagay.
Matatandaang kamakailan, naging usapan din ang umano’y pagbebenta ng malalaswang litrato at video ng ilang estudyante para maitaguyod ang kanilang pag-aaral.
Sa isyung ito, mauunawaan pa natin kung bakit may kumakapit sa patalim, pero ngayong may sangkot na mga magulang, sobrang nakadidismaya. Paano n’yo nasisikmura ‘yan?!
Panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na sagipin ang mga batang ito at panagutin ang dapat managot.
At kayong mga walang tigil sa panggagamit sa mga walang muwang na batang ito, makonsensiya naman kayo! Kung gusto ninyong kumita, magtrabaho kayo nang patas.
Sa panahon ngayong halos lahat ay nakadepende sa internet, dapat nating matiyak na hindi nagagamit sa kalaswaan ang mga batang ito.
Bilang mga magulang, tayo ang dapat nagpoprotekta sa ating mga anak laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Komentarze