ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 26, 2023
Narinig natin ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address noong Lunes, July 24. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya ako na nabanggit niya ang mga iba’t ibang inisyatibong pangkalusugan para mas mapalakas pa ang ating health system at mailapit ang serbisyo medikal ng gobyerno sa mga tao.
At dahil ipinangako ng Pangulo na maibibigay na ang allowances ng health workers na nakasaad sa batas dahil sa COVID-19, nakikiusap ako sa Department of Budget and Management at Department of Health na mabalikan kung ano ang dapat matanggap ng ating healthcare workers na nagserbisyo, at ang iba ay nagbuwis pa ng buhay.
Kahit na inalis na ang State of Public Health Emergency, mas lalong dapat ibigay ang nararapat sa ating healthcare workers. Hindi natin mararating itong kasalukuyang sitwasyon ngayon na nagbubukas na ang ating ekonomiya kung hindi dahil sa sakripisyo ng ating medical frontliners.
Masaya rin akong marinig na sinabi ng ating Pangulo na kukupkupin at tutulungan ang mga mahihirap nating kababayan. Napakaimportante sa atin na walang magutom na Pilipino, at makalilikha ng maraming trabaho.
Ipagpapatuloy din ang kampanya laban sa ilegal na droga, na bagaman at sa pamamagitan ng ibang approach, ang importante ay tuloy ang laban at hindi masasayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dahil kapag bumalik ang ilegal na droga, babalik ang korupsiyon sa gobyerno, at babalik ang kriminalidad.
Nabanggit din ng Pangulo na mas paparamihin pa ang mga specialty center. Masaya akong narinig ito dahil mayroon tayong ipinasa sa Kongreso, ang Regional Specialty Centers bill, o pagtatayo ng specialty centers sa mga Department of Health regional hospitals. Ito po ay multi-year plan, at proud ako na iulat sa ating mga kababayan na 24-0 ang naging boto nito sa Senado kabilang ang mga taga-oposisyon dahil naipaliwanag nating mabuti sa kanila kung ano ang layunin ng panukalang ito. Pirma na lang ng ating Pangulo ang kulang para maisabatas ito. Bilang isa ito sa mga prayoridad ng administrasyon, inaasahan nating maisabatas ito para tuluy-tuloy na ang pagpapatayo sa buong bansa at hindi na kailangang lumuwas pa ng mga pasyenteng nasa probinsya.
Para higit na maunawaan ng ating mga kababayan ang regional specialty center, halimbawa, itong Philippine Heart Center sa Quezon City, maglalagay rin ng isang heart center sa Zamboanga sa existing DOH hospital. Ang National Kidney and Transplant Institute para sa mga may sakit sa kidney, magkakaroon din ng ganyan sa iba’t ibang DOH regional hospitals para matugunan ang pangangailangang medikal ng mga nasa probinsya. Bukod sa mga ito, sakop din ang ibang specialties tulad ng neonatal, heart, ortho, mental health, cancer, lungs, at iba pa.
Masaya rin ako na naging prayoridad ng administrasyon ang medical assistance para sa mga mahihirap. Kaya tinututukan din natin ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers kung saan mas mabilis na makakakuha ng medical assistance ang mga pasyente. Batas na ang Malasakit Center na isinulong ko noon, at pinirmahan ni dating Pangulong Duterte. Isa itong one-stop shop kung saan nasa loob ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno–PhilHealth, PCSO, DOH at DSWD para hindi na mahirapan sa pagpapalipat-lipat at pagpila ang mga benepisyaryo. Sa ngayon, higit pitong milyong Pilipino na ang nakabenepisyo rito ayon sa DOH.
At masaya akong ibalita na nadagdagan na rin ang bilang ng libreng dialysis session sa mga pasyente. Kung dati ay 90, ngayon ay nadagdagan na at naging 156 ang free dialysis sessions ng PhilHealth. Malaking tulong ito sa mga nagpapa-dialysis dahil ang mga mahihirap nating kababayan, hindi na sila makapagtrabaho, kaya mas kailangan na libre ito para sa kanila. Bilang mambabatas, may nai-file rin akong panukala sa Senado na naglalayong gawing libre na ang check-up at dialysis sa pamamagitan ng tulong mula sa PhilHealth.
Kabilang din sa binanggit ng Pangulo ang pagkakaloob ng improved education at training para sa ating mga medical professionals. Nai-file na rin natin sa Senado itong Advanced Nursing Education bill para sa karagdagang curriculum gaya ng community integration at immersion. Malaki ang diperensya ng suweldo kung sa abroad sila magtatrabaho kumpara rito kaya dapat na mabigyan natin sila ng maayos na kompensasyon, training, added curriculum para sa kanilang karagdagang kaalaman upang mahikayat natin silang huwag nang umalis at dito na lang maglingkod sa ating bansa.
Umaasa rin ako na kasunod ng Build Build Build program ng Duterte administration ay mas lalawak pa ang karagdagang infrastructure projects sa ilalim naman ng Build Better More program ni Pangulong Marcos na kanyang ibinahagi rin sa kanyang SONA.
Suportado rin natin ang layunin ng Pangulo tungo sa Digital Transformation ng gobyerno. Sa aspetong ito, patuloy nating ipinaglalaban ang isinumite nating E-Governance Bill. Kung magiging ganap na batas, mababawasan ang red tape sa mga ahensya ng pamahalaan, malalabanan ang katiwalian, matitiyak ang transparency ng mga transaksyon, at mailalapit sa mga tao ang serbisyo.
Nabanggit din ang ating Overseas Filipino Workers na patuloy na pinangangalagaan ang kanilang kapakanan upang mabigyan sila ng ligtas na working environment. Meron naman akong panukalang nai-file na nais i-institutionalize ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga upang magkaroon ito ng sapat na pondo, personnel, at kagamitan at mas lalong maalagaan ang ating OFWs at kanilang pamilya. Kaakibat ito sa Republic Act 11641 na iniakda natin at naging co-sponsor noong panahon ni dating pangulong Duterte na siyang naglikha ng Department of Migrant Workers.
Samantala, bilang bisyo ko ang magserbisyo, patuloy naman tayo sa pag-alalay sa ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Muli tayong sumaklolo sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 31 residente ng Asuncion, pito sa New Corella, lima sa Panabo City, at 12 sa Tagum City sa Davao Del Norte; dalawa sa Laak at isa sa Maco, Davao de Oro; at 146 sa Mati City, Davao Oriental. Sumuporta rin tayo sa medical and dental mission sa Bugasong, Antique para sa 350 pasyente.
Tumulong din tayo sa 199 benepisyaryo sa Cabiao, at 123 sa Gen. Mamerto Natividad sa Nueva Ecija; 100 sa Rosario at 100 din sa Batangas City, Batangas; at 66 sa San Miguel, Bulacan.
Maganda ang layunin ng ating gobyerno tungo sa pangarap na Bagong Pilipinas. Kaya dapat magtulungan ang lahat ng mga ahensya na maisakatuparan ang mga ito upang mapakinabangan ng mga kababayan nating mahihirap—lalung-lalo na ang mga hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments