ni Lolet Abania | May 21, 2021
Itinaas na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa 30 porsiyento ang seating capacity para sa mga religious gatherings sa NCR Plus at iba pang mga lugar sa bansa, ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.
Sinabi ni Guevarra na ang bagong polisiya, kung saan maisasagawa rin sa mga lugar sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions, ay inaprubahan ng IATF kahapon matapos ang hiling at pakiusap ng mga simbahan.
Gayunman, ito ay ipapatupad nang hanggang May 31.
“This applies to all religious faiths, sects, and denominations,” ani Guevarra.
Matatandaang ipinatupad ng gobyerno ang limitadong 10% venue capacity para sa mga religious gatherings upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.
Gayunman, isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila at karatig-probinsiya gaya ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna – na tinatawag na NCR Plus -- sa GCQ with heightened restrictions mula May 15 hanggang May 31.
Comments