ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 25, 2025
Photo: Mark Magsayo / IG
Hindi na mapipigilan ang muling paglipat ng weight division ng dating World featherweight titlist na si Mark “Magnifico” Magsayo kasunod ng panibagong rankings sa lightweight division, habang pormal itong kinumpirma ng Viva Promotions na pinapatakbo ni Brendan Gibbons na planong hanapin ang panibagong landas tungo sa inaasam na panibagong suntok sa world title fight.
Sa huling sabak ni Magsayo laban kay Ecuadorian boxer Bryan Mercado, unang nagisnan ang bangis nito sa lightweight non-title match noong Disyembre 14, 2024 na ginanap sa Thunder Studios sa Long Beach California sa America, kung saan nagtapos lamang sa 28 segundo ng first round kasunod ng ilang matitinding banat sa karibal para mabilis na tuldukan ang kanyang 135-pound debut.
Dulot ng panalo ay umangat sa 27-2 rekord ang kartada ng 29-anyos mula Tagbilaran City, Bohol kasama ang mabangis na 18 panalo mula sa knockouts, kung saan sa huling tatlong laban ay dinomina nito si dating World challenger Eduardo “Zurdito” Ramirez ng Mexico sa pamamagitan ng 10th round unanimous decision at pinatumba si Mexican Isaac Avelar sa third round.
Mula sa isang post sa social media, inihayag naman ni Gibbons, anak ni MP Promotions President at international matchmaker Sean Gibbons, na pormal na nitong papasukin ang panibagong dibisyon, kung saan lumapag ito bilang ika-anim sa rankings ng International Boxing Federation (IBF) na pinanghahawakan ni Ukrainian champion Vasiliy “Loma” Lomachenko.
Kasalukuyang nakabase sa Valencia, California ang Pinoy power-puncher na puspusan ang isinagawang paghahanda sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California sa ilalim ng head trainer na si Marvin Somodio, katulong ang MP Promotions at TGB Promotions, na planong makabalik sa World title fight matapos minsang hawakan ang WBC featherweight belt laban kay Gary Allen Russel Jr sa pamamagitan ng majority decision noong Enero 22, 2022 sa Borgata Hotel Casino sa Atlantic City.
Comentarios