News @Balitang Probinsiya | July 11, 2024
Quezon — Isang 59-anyos na magsasaka ang natagpuang patay sa bukid sa Brgy. Casasahan Ibaba, Gumaca sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng magsasaka.
Napag-alaman na isang kamag-anak ang nakatagpo sa bangkay ng biktima na nakadapa sa naturang bukid at ini-report sa pulisya.
Z
Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alamang may 3rd degree burns sa katawan ang biktima na posible umanong tinamaan ito ng kidlat.
DRUG PUSHER TIMBOG SA BUY-BUST
ISABELA -- ISANG drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Minante 1, Cauayan City sa lalawigang ito.
Itinago muna ng pulisya ang suspek sa alyas na Pito, nasa hustong gulang, habang iniimbestigahan pa.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng isang sachet ng shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
EMPLEYADO, NIRATRAT NG RIDING-IN-TANDEM
NEGROS OCCIDENTAL -- ISANG empleyado ang namatay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa sa Brgy. Mambaroto, Sipalay City sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Andre Pajarillo, nasa hustong gulang, empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) at residente sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, habang lulan si Pajarillo ng kanyang motorsiklo sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang mga suspek na nakasakay din sa isang motor at agad pinagbabaril ang biktima.
Matapos tiyaking patay na ang biktima saka tumakas ang mga salarin.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang mga suspek.
SK CHAIRMAN NANUNTOK NG PULIS, ARESTADO
AKLAN--ISANG Sangguniang Kabataan (SK) chairman na nanuntok ng isang pulis ang inaresto kamakalawa sa Brgy. Torralba, Banga sa lalawigang ito.
Hindi na pinangalanan ng pulisya ang suspek na SK chairman na residente sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, dinakip ng mga otoridad ang SK chairman sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa kasong direct assault dahil sa panununtok nito sa isang pulis na rumesponde sa away ng mga kabataan sa nasabing barangay.
Hindi naman nanlaban ang SK chairman nang dakpin siya,
Nakapiit na ang suspek sa himpilan ng pulisya.
Comments