@Editorial | June 7, 2024
Pinapalagan ngayon ang plano ng National Economic Development Authority (NEDA) na ibaba ang taripa ng imported na bigas, karneng baboy, at iba pang produkto.
Sa rekomendasyon kasi ng NEDA, ibababa sa 15% ang taripa sa bigas mula 35% simula ngayong taon hanggang 2028.
Bagay na hindi umano masisikmura ng ilang kinatawan sa gobyerno dahil tiyak umanong babaha ng mga imported na produkto at lulunurin ang mga lokal. Lalamunin ang palengke at gugutumin ang mga magsasaka at kanilang pamilya.
Posible rin umanong kapusin ang pondo na susuporta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) maliban na lang kung may subsidiya dito ang gobyerno.
Sa RCEF kasi napupunta ang nalilikom na pondo mula sa taripa ng bigas.
Samantala, kung may mga nangangamba sa bawas-taripa, meron namang nagtitiwala na may positibo itong epekto sa ekonomiya. Sa sandali umanong maibaba ang taripa ay bababa rin ang presyo na may epekto sa inflation.
Sana lang ay may sapat na kakayahan ang Department of Agriculture (DA) na siguruhing kikita pa rin ang mga local producer kahit pa dumagsa ang imported products sa bansa.
Napakasakit sa kalooban na habang nag-aangkat tayo ng mga produkto, may mga magsasaka naman tayong nabubulukan lang ng tanim dahil tila kapos sa suporta.
Huwag naman sanang umabot sa sitwasyon na nakadepende na tayo sa ibang bansa para magkaroon ng sapat na pagkain.
Kommentare