ni Gerard Peter - @Sports | November 8, 2020
Bigong masungkit ni Filipino flyweight contender Giemel “Pistolero” Magramo (24-2, 20KOs) ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) flyweight championship matapos mapabagsak ni undefeated Japanese slugger Junto Nakatani (21-0, 16KOs) kasunod ng 8th round stoppage, Biyernes ng gabi sa Korakuen Hall sa Tokyo Japan at maging kauna-unahang boxing event sa naturang bansa sa kasagsagan ng novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic.
Naging ika-anim na Filipinong boksingerong biktima ang 26-anyos mula Paranaque City ng mas matangkad at mabilis na Japanese boxer ng itigil ni referee Nobuto Ikehara ang laban sa 2:10 minuto ng 8th round mula sa kambal na straight left ni Nakatani. Ngunit bago nito tuluyang tapusin ang laban ay nagawa muna nitong payukuin sa round 7 mula sa sangkaterbang kumbinasyon dulot ng body shots, uppercuts at iba’t ibang klaseng atake para talunin ang WBO Oriental at WBO International 112-pound titlist.
“I landed some good punches in the first round. Magramo is a good fighter but I had a good approach today. He is really tough, but I was able to establish a good distance from him and in that sense, I felt I boxed well tonight,” pahayag ng Japanese flyweight titlist sa panayam ng kyodonews.net. “Now that I'm a flyweight champ, I have to look toward other objectives, and one of those is to win a title unification fight,” dagdag ng 6th best flyweight ng The Ring.
Bukod kay Magramo, kabilang sa mga listahan ng mga Filipinong boksingero na pinatumba ng 22-anyos mula Sagamihara, Japan sina Joel Taduran, Jeronil Borres, Dexter Alimento, Philip Luis Cuerdo at Milan Melindo.
Makailang beses naudlot ang paghaharap ng dalawang boksingero dahil sa Covid-19 pandemic, kung saan noong nakalipas na Abril 4 dapat sila unang maghaharap, hanggang sa mapapayag na ang Japan Boxing Commission na gawin na ito.
Dahil sa pagkatalong ito, naputol ang 7-fight winning streak ni Magramo na nagsimula noong Mayo 28, 2017 laban kay John Rey Lauza sa Elorde Sports Complex. Ito ang ikalawang pagkatalo ni Magramo sa kanyang mahigit walong taong karera sa pro-boxing, kung saan unang nalasap nito ang unanimous decision lost kay Muhammad Waseem noong Nobyembre 27, 2016 sa South Korea para sa WBC Silver flyweight crown.
Comments