top of page
Search
BULGAR

Magpabakuna na ang mga kuwalipikado, plis!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 16, 2022


Palagi nating ipinapaalala sa lahat na hanggang nand'yan pa ang COVID-19, delikado pa rin. Sa kabila ng pagluluwag ng restriksyon sa pagsusuot ng face masks outdoors, patuloy pa rin tayong mag-ingat at magbayanihan. Wala namang masama kung magsuot pa rin ng face mask kahit optional na lang ito para makatiyak na ligtas tayo sa COVID-19 at iba pang sakit.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya ako na marami pa ring Pilipino ang sumusunod sa health protocols. Sana ay magbunga ang palaging pakiusap ng inyong Senator Kuya Bong Go, na huwag magkumpiyansa at patuloy na mag-ingat at sundin ang mga patakaran. Bahagi na dapat ito ng ating disiplina para mapangalagaan ang ating kalusugan—na prayoridad ko namang tungkulin sa inyong lahat.


Kaya naman, hindi ako tumitigil sa aking pagsisikap na mas maprotektahan ang inyong kalusugan. Patuloy rin ako sa panawagan sa ating pamahalaan, mga kinauukulang ahensya at maging sa mga LGUs na mas palakasin pa ang vaccine rollout, lalo na sa mga rural areas, partikular sa malalayong komunidad na mahirap para sa mga residente ang magpunta sa vaccination sites. Hangga’t maaari, dalhin natin sa mga tao ang bakuna.


Ang pakiusap ko naman sa ating mga kababayan, magpabakuna na ang mga kuwalipikado — maging sa booster shots. Nakita natin na ang bakuna ang tanging susi para tuluyan na nating malampasan ang pandemyang ito. Pag lahat po tayo ay bakunado na, mas luluwag pa ang mga polisiya, mas magbubukas ang ating ekonomiya at mas mabilis tayong makababalik sa normal na buhay.


Hindi rin ako humihinto para mas mapalakas pa at maging laging handa ang ating healthcare system dahil hindi natin alam kung kailan muling may susulpot na bagong sakit at ayaw na nating mabulaga gaya ng nangyari sa COVID-19.


Sinisikap natin na mas maraming maitayong Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa lalo na sa malalayo at mahihirap na komunidad. Ito pong SHC ay improved version ng rural health unit at may mga kagamitan, pasilidad at kakayahan na gamutin ang mga pasyente na tulad sa isang ospital.


May pondo para sa pagtatayo ng 305 SHCs sa 2022 budget sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program. Maraming SHC na ang sinisimulang itayo at magpapatuloy ito hanggang maabot ang ating layunin na ilapit sa mga komunidad ang kinakailangang pasilidad at serbisyong medikal na mangangalaga sa kanilang kalusugan.


Bilang mambabatas, patuloy kong susubaybayan ang implementasyon ng Malasakit Center Act. Napakalaking tulong po ng mga itinayong Malasakit Centers sa ating mga kababayan sa pagbabayad ng kanilang hospital bills. Hangad ng mga Malasakit Centers na ibaba sa lowest amount possible, kung hindi man zero, ang hospital bill ng isang pasyenteng Pilipino.


Tuluy-tuloy ang ating pagpapatayo nito at noong Setyembre 15 ay personal na sinaksihan ko ang pagbubukas ng ika-152 Malasakit Center na nasa Maria L. Eleazar General Hospital sa Tagkawayan, Quezon. Bahagi pa rin ito ng aking layuning ilapit ang malasakit at serbisyo ng gobyerno kahit sa pinakamalalayong komunidad.


Personal din tayong namahagi ng ayuda sa ating mga kababayan sa Tagkayawan at Atimonan, Quezon, at napagkalooban natin ng tulong ang nasa halos 800 na mga benepisyaryo. Medyo may kalayuan po ang mga lugar na ito, pero sadyang naglaan ako ng oras kasama si Senador Robin Padilla para makasama at marinig ang mga hinaing ng mga tagarito, at malaman kung ano pa ang maaari naming maitulong.


Bukod naman sa mga taga-Quezon, gaya ng dati, maagap ang ginawa nating pagsaklolo sa mga kababayan nating naging biktima ng sunog. Agad nating dinaluhan ang 214 pamilya sa Brgy. Baesa, Quezon City; 179 sa Brgy. Mabolo at Guadalupe sa Cebu; at 58 pa sa Brgy. Villamonte, Brgy. 6, at Brgy. Punta Taytay sa Bacolod City.


Naglibot tayo sa malalayong komunidad para maghatid ng ayuda sa mga apektado pa rin ng pandemya at iba’t ibang krisis ang kabuhayan. Napagaan natin ang dalahin ng 1,000 residente ng Ternate, Cavite; 1,000 sa Baliuag, Bulacan; 978 sa Sugbongcogon, Misamis Oriental; 301 sa Legazpi City, Albay; 143 sa Catarman, Camiguin; 116 sa San Rafael, Bulacan; at 80 pa sa Paracale, Camarines Norte. Sinuportahan rin natin ang 441 senior citizens sa Caloocan City.


Nagkaloob naman tayo ng dagdag na tulong pangkabuhayan sa mga kababayan nating may munting negosyo, gaya ng 1,992 benepisaryo sa Cauayan, Naguilian, San Guillermo, Echague, Ilagan, Tumauini, Cabagan at Sto. Tomas sa Isabela; 800 sa Murcia, Silay City, Victorias City, EB Magalona at Manapla sa Negros Occidental; 702 sa Saluysoy, Meycauayan City, Bulacan; 682 sa Bacolod City, Negros Occidental; 600 sa Sarangani, Davao Occidental; 600 sa Bataan; 400 sa Esperanza, Sultan Kudarat; 243 sa Bambang, Nueva Vizcaya; at 108 pa sa Bongabon at Gabaldon sa Nueva Ecija.


Mga kababayan, sa kabila ng mga gawaing iniatang ninyo sa akin bilang senador ay hindi ko kaliligtaan ang paglapit sa inyo para dalhin ang malasakit at serbisyo saan man kayo naroroon. Hindi po ako titigil sa aking adhikain na maiangat ang kalagayan ng bawat Pilipino, at magkaroon ng komportableng buhay. Asahan po ninyo na laging handa ang inyong Senador Kuya Bong Go, na tumulong sa lahat sa abot ng aking makakaya para masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page