ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 4, 2022
Hanggang nand'yan pa ang banta ng pandemya, huwag muna tayong magkumpiyansa. Ito ang palagi nating paalala, lalo na ngayong iba’t ibang krisis at sakuna ang ating hinaharap.
Habang unti-unting nakakabangon ang ekonomiya, huwag nating sayangin ang pinaghirapan at isinakripisyo sa nakaraang dalawang taon. Huwag isantabi ang minimum health protocols na dapat sundin para masigurong ligtas ang ating komunidad.
Suportado natin ang pasya ng gobyerno na gawing voluntary ang pagsusuot ng masks dahil naniniwala tayong base naman ito sa siyensya at napag-aralang mabuti ng mga eksperto. Ngunit kung hindi naman sagabal o mahirap para sa atin, magsuot pa rin ng masks. Ito ay bilang proteksyon hindi lang sa ating mga sarili, kundi maging sa mga kapamilya nating mahihina ang resistensya, matatanda, sakitin at hindi pa bakunado.
Dagdag pa rito, patuloy ang ating apela sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na, pati na ang booster. Masyadong mababa pa ang booster rate natin, isa sa mga pinakamababa sa buong Southeast Asian region. Ayon sa DOH, as of November 1, merong 48% lang ng mga kabataan edad 5-11 na taon ang bakunado. At 26% lang ng ating qualified population ang naturukan ng unang booster.
Inuulit natin: dapat bakunado para protektado.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino ang ating pangunahing layunin. Ang buhay ng tao, hindi katulad ng pelikula, walang part two.
Samantala, tuluy-tuloy ang ating isinasagawang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units para makatulong sa mga naging biktima ng bagyong Paeng.
Sa lawak at laki ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo, buong pamahalaan at tayong lahat na mga Pilipino ang dapat na magkaisa at magtulungan para maalalayan ang ating mga kababayang apektado.
Naunang nakapaghatid na ng food packs at iba pang tulong ang ating opisina sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Cotabato at Cavite.
Patuloy naman ang pagdadala ng tulong sa Zamboanga City na binagyo rin. Sa Bgy. Putik ay nagbigay tayo ng 60 food packs at 220 food packs naman sa Bgy. Talon-talon. Nagkaloob din tayo ng mga bola ng basketball at volleyball sa dalawang barangay para may mapaglibangan ang mga kabataan doon at pansamantalang makalimot sa trauma na hatid ng kalamidad.
Noong Nobyembre 2 ay nag-abot tayo ng tulong sa 1,200 residenteng apektado ng bagyo sa Iloilo City.
Ngayong araw ay personal nating bibisitahin ang ating mga kababayan sa Bacoor City at Kawit, Cavite. Bukas naman ay personal din tayong pupunta sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte upang malaman ang kalagayan ng mga kababayan natin doon, makapaghatid ng tulong at masuportahan ang kanilang pagbangon.
Ipinaalala rin natin sa mga nangangailangan ng tulong-medikal, maaari kayong lumapit sa alinmang Malasakit Center sa inyong lugar. Mahalang masubaybayan ang kalusugan ng ating mga kababayan dahil kapag nalantad sila sa kalamidad ay mas madaling kapitan ng sakit, bukod pa sa naririyan pa rin ang banta ng pandemya.
Samantala, hindi natin kinakaligtaan ang paghahatid ng serbisyo sa iba pa nating mga kababayan na ang kabuhayan ay apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis. Maagap tayong sumaklolo sa 43 residente ng Bgy. Gulod, Quezon City na naging biktima ng insidente ng sunog, kamakailan. Pupuntahan din natin ngayon ang mga nasunugan sa Taguig City.
Nagsagawa rin tayo ng serye ng pamamahagi ng tulong sa Himamaylan City, Negros Occidental para sa 3,323 benepisaryo. Nakapag-iwan naman tayo ng konting ginhawa sa 1,027 residente ng Tabaco City, Albay; bukod pa sa 1,000 benepisyaryo sa Palayan, Nueva Ecija; at 846 naman sa Sta. Maria, Bulacan.
Tulad noon, sa abot ng ating makakaya, sisikapin natin na makatulong sa mga nangangailangan.
Hilin lamang natin na ituloy ang pagkakaisa at pakikipagbayanihan dahil napatunayan na natin na mabisa itong sandata para malampasan ang anumang pagsubok na ating kinahaharap. Sama-sama tayo at walang maiiwan sa ating muling pagbangon mula sa pandemya at mga kalamidad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments